MAGHAHAIN si Senador Camille Villar ng panukalang batas na magtatatag ng ₱10-bilyong Cancer Medicine and Treatment Assistance Fund upang matulungan ang mahihirap at kapos-palad na pasyenteng may kanser sa bansa.
Inilatag ng senador ang panukala bilang paggunita sa World Cancer Day, kung saan layon nitong magbigay ng libreng gamot at paggamot sa kanser sa pamamagitan ng mga PhilHealth-accredited na pampublikong ospital sa bawat lalawigan.
Makikipagtulungan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang matukoy ang mga benepisyaryo at matiyak na mapupunta ang tulong sa mga higit na nangangailangan.
“Ito ay panukalang batas para sa pagsagip ng buhay. Kailangang maging abot-kaya at accessible ang dekalidad na gamutan laban sa kanser para sa bawat Pilipino,” diin ni Villar.
Binigyang-diin ng senador na nananatiling isa ang kanser sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa at patuloy na nagpapabigat sa gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Ayon kay Villar, umaabot umano sa ₱100,000 ang isang sesyon ng chemotherapy kaya maraming pasyente ang napipilitang tumigil sa gamutan dahil sa kakulangan ng pondo.
“Walang Pilipinong dapat pagkaitan ng gamutan o itulak sa kahirapan dahil lamang sa kanser,” giit niya.
Sa ilalim ng panukala, layong palakasin ang maagang pagtuklas at agarang paggamot sa kanser, maiwasan ang pagkaantala ng gamutan, at isulong ang mas malawak na access sa serbisyong pangkalusugan.
Bahagi rin umano ito ng pagtupad sa konstitusyonal na mandato ng estado na magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap.
Ang World Cancer Day, na pinangungunahan ng Union for International Cancer Control (UICC), ay naglalayong palawakin ang kamalayan laban sa kanser sa pamamagitan ng prevention, early detection, at paggamot. Ang tema ngayong 2026 na “United by Unique” ay nakatuon sa people-centered at inklusibong pangangalaga sa mga pasyente ng kanser.
Iginiit pa ni Villar na patuloy niyang isusulong ang mga panukalang nakatuon sa preventive healthcare at pagpapalawak ng suportang medikal upang mapalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa, lalo na para sa mga pinaka-nangangailangan.
(DANNY BACOLOD)
3
