P10-B pondo hindi ibinigay sa mahihirap DSWD NAMUMURO SA MALVERSATION

BINALAAN ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahaharap ang mga ito sa kasong malversation of public funds kapag ginamit sa ibang bagay ang P10 billion na hindi nila inilabas.

Sa virtual press conference ng Makabayan bloc kahapon, pinaalalahanan ni ACT party-list Rep. France Castro ang DSWD na huwag gamitin sa ibang bagay ang nasabing pondo dahil madadale ang mga ito ng kasong technical malversation of funds.

“Huwag na huwag nyong gamitin yan sa ibang bagay dahil malversation of public funds yan,” ani Castro na nangangambang i-divert sa ibang bagay ang nasabing pondo kaya hinawakan ito ng ahensya imbes na ipamudmod.

Ang P10 billion ay bahagi ng P100 billion pondo sa Special Amelioration Program (SAP) para sa 18 milyong pamilyang Filipino na naapektuhan ng pandemya sa COVID-19.

Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na isa hanggang dalawang milyong pamilya ang ginutom ng gobyerno sa nasabing halaga na hindi ipinamigay ng nasabing ahensya.

“Nakakadismaya, nakakagulat at nakakagalit na ganito kalaking pondo ang hindi pa nabigay o nagastos ng DSWD na para sa ayuda ng mahigit isang milyon hanggang 2 milyong pamilyang Pilipino na sana ay nakinabang sa naturang pondong hindi pa nagagastos,” ayon kay Cullamat.

Imbes na tulungan aniya ang pamilyang ito ay pinagdamutan pa ang mga ito ng gobyerno dahil ayaw pakawalan ang nasabing halaga na inilaan talaga para sa mga apektadong mamamayan.

“Ito ay isang emergency fund na para sa mga biktima ng pandemya. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pamamalakad ng gobyerno. DSWD pa mismo ang lalong nagpapahirap na abang kalagayan ng mga kababayan natin at ng mga pamilya nila,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

133

Related posts

Leave a Comment