P10-M SHABU NASABAT SA HOLDUP SUSPECT

HINDI pa man nahahatulan sa kasong robbery hold-up, muling naaresto ang 38-anyos na lalaki nang makumpiskahan ng mahigit sa P10 milyong halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Ang suspek ay kinilalang si Jayson Estrada Espinar, residente ng Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Ang suspek ay may nakabinbin pang kaso ng paglabag sa Sec. 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at robbery hold-up.

Ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong Agosto 12 nang maaresto ang suspek sa Montville Place Subd., Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Aaron B. Balajadia, nagsagawa ng buy-bust operasyon ang PS-4, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Von June B. Nuyda, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), makaraang makatanggap ng tip ukol sa ilegal na gawain ng suspek.

Isang pulis ang tumayong buyer at nang magka-abutan ay saka dinakma ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Rommel G. Baylon, kasama sina PSMS Mark Anthony Lagman, P/SSgt. Jeffrey Suba, P/SSgt. Maru Olofernes, P/SSgt. John Benedict Naval, P/Cpl. Mark Kelvin Mendieta, P/Cpl. Ian Jon Nuñez, P/Cpl. Daryl Ciriaco, P/Cpl. Charles Janjettepop Jabien, P/Cpl. Gerry Ian Escalona at P/Cpl. Bronhson Susano

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 1.5 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200,000.

Bukod dito nakuha rin sa suspek ang 7 piraso ng knot tie transparent plastic na naglalaman ng ‘di pa batid na dami ng shabu, isang vacuum sealed transparent plastic na may laman ding ilegal na droga, isang Chinese tea bag na may nakasulat na “GUANYINWANG”, isang color white paper bag na may markang “OPPO”, isang unit ng cellular phone model OPPO, isang piraso ng P1,000 marked money, 44 piraso ng tig-iisang libong boodle money at isang itim na timbangan.

Nakapiit na ang suspek sa selda ng PS-4 habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165. (LILY REYES)

151

Related posts

Leave a Comment