P10 TRILLION UTANG

WALA sigurong bansa ang walang utang. Kahit ang mayayamang bansa sa mundo tulad ng Amerika ay nagkakautang dahil hindi dapat na mapurnada ang operasyon ng gobyerno.

Isang normal na gawain na ng isang gobyerno ang mangutang para ipantapal sa kakulangan ng kanilang pondo at kasama na dito ang ating bansa na habang tumatagal ay nababaon sa utang.

Tinataya ng isang kongresista na bago matapos ang taon ay lagpas na sa P10 Trillion ang utang ng sambayanang Filipino dahil sa patuloy na pangungutang ng ating pamahalaan.

Higit sa doble ang laki nito sa panukalang pambansang pondo ng gobyerno sa susunod na taon na aabot sa P4.506 Trillion.

Ibig sabihin nito, bawat Filipino, kasama na ang mga kapapanganak pa lamang ay mayroon nang utang na hindi bababa sa P10,000 at patuloy pang nadadagdagan ito habang tumatagal.

Kung magbibigay tayo ng tig-P10,000 sa gobyerno (na imposibleng mangyari dahil mas marami ang mahihirap), ay makakaahon ang ating bansa sa pagkakalubog sa utang at uunlad ang ating bansa.

Ang hindi ko lang maintindihan, bakit kasi gumagastos tayo ng mas malaki kesa sa ating income. Saan na yung intuturo sa atin noong nag-aaral pa tayo na “kapag maiksi ang kumot matutong mamaluktot”.

Bilang laking Divisoria, marami akong kilalang nagtitinda ang hindi talaga umaasenso dahil mas malaki ang ginagastos nila sa kumpara sa kanilang kinikita sa pagtitinda.

Kung ang isang tindera o tindero ay kumikita ng P500 kada araw sa pagtitinda pero gumagastos ng P600 ay talagang lulubog pati ang puhunan kaya hindi sila umaasenso.

Bakit hindi gawin na kapag kumita ka ng P500 ay P300 o P400 lang ang gastusin mo para mayroon kang ipon na P200 o P100 kada araw? Sa pagdaan ng mga araw, hindi mo mamalayan ay marami ka ng naipon.

Ang ating gobyerno, utang ng utang dahil kapag nagtakda sila ng budget ay mas malaki kumpara sa projected income mula sa buwis ng mamamayan. Tulad nitong 2021 national budget, mahigit P3 Trillion lang ang pino-project na koleksyon sa buwis pero P4.506 Trillion ang itinakdang pondo.

Bakit hindi gawin na kung anong mayroon tayo ay yun na lang ang pondo natin para hindi malubog ang ating bansa sa utang at hindi magdudusa ang mga susunod na henerasyon.

Ang masakit lang sa utang na ito ay kung nanawakin lang ng mga tiwali sa gobyerno at ilaan sa mga bagay na hindi naman napapakinabangan ng mamamayang Filipino at bigla na lamang maglaho.

Maraming nalulustay na pondo ng gobyerno na inuutang lang. Hindi ko na kailangang magbigay ng halimbawa. Pumasyal ka lang sa Manila Bay, magkakaroon ka na ng ideya.

Mas masakit na lahat tayo ay ang nagbabayad sa utang na ito pero iilan lang ang nakikinabang at karaniwan ay ninanakaw lang. At ang mga magnanakaw ay hindi napaparusahan.

159

Related posts

Leave a Comment