UMABOT sa P100 milyong halaga ng smuggled na iladong karne at lamang-dagat ang nadiskubre sa 12container vans sa isang bakanteng lote sa Navotas City.
Sari-saring iladong karne ng baboy, baka, malalaking hipon, igat, itim na manok, peking duck at dory fish fillet ang natuklasan sa Barangay San Rafael ng lungsod noong Mayo 27 ng pinagsanib na pwersa ng Department of Agriculture (DA), Sub-Task Group on Economic Intelligence (STG-EI), Department of Trade and Industry, National Intelligence Coordinating Agency, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police.
Nabatid na batay sa mga marka ng mga package, nagmula ang shipment sa Vietnam, China, Germany at Belgium at lumitaw sa imbestigasyon na ang nasabing mga kargamento ay hindi sakop ng anumang import permit.
Makaraang inspeksyunin ng mga awtoridad, inamin ng caretaker na si Gilbert Abanso na ang mga kargamento ay walang permit o clearance.
Magsasagawa ng imbentaryo ang DA sa nasabat na mga produkto bago idispatsa ang mga ito.
Sasampahan naman ng kaukulang kaso ng NBI ang may-ari ng nasabing kontrabando. (ALAIN AJERO)
269
