RIZAL – Dead on the spot ang dalawang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng PNP-Drug Enforcement Group sa Highway 2000 Ext., Brgy. Sta. Ana sa bayan ng Taytay.
Kinilala lamang ang isang napatay sa alyas na “Alvin” na siyang target ng operasyon, habang walang pagkakakilanlan ang kasama nito.
Ayon kay PDEG chief, Brig. Gen. Remus Medina, nakipagkita ang mga suspek sa madilim na bahagi ng Highway 2000 Ext. para makapagbenta ng shabu. Ngunit hindi alam ng mga suspek na pulis na pala ang kanilang katransaksyon.
Matapos maiabot ang P1 milyong buy-bust money ay nagtangkang tumakas ang mga suspek ngunit hinabol ng mga pulis na nagresulta sa palitan ng putok.
Tinatayang 15 kilo ng hinihinalang shabu na P102 milyon ang halaga, ang nakumpiska sa mga suspek.
Nakuha rin ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang kotseng ginamit ng mga ito sa pag-deliver ng ilegal na droga.
Nabatid na konektado umano ang mga napatay kay Michael Lucas y Abdul na nahuli sa Cavite at habang ang boss naman nila na nagtatago sa Hong Kong na isang Chinese national, ang nagbibigay ng utos sa pagpapakalat ng ilegal na droga.
Samantala sa Cavite, patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang nakipagpalitan ng putok sa buy-bust operation sa Bacoor City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si Arnold Daet Sacil, nasa hustong edad, ng San Nicolas 2, Bacoor City.
Ayon sa ulat ni Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police, dakong ala-1:45 nitong Miyerkoles ng madaling araw nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Group (DEG) ng Bacoor CPS sa Brgy. San Nicolas 2 sa nabanggit na lungsod kung saan target ang suspek.
Limang gramo ng hinihinalang shabu ang unang inalok ng suspek sa poseur buyer at saka naglabas pa ng karagdagang 25 gramo.
Ngunit sa kalagitnaan ng transaksiyon, nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang kausap kaya nagbunot ng baril na nagresulta sa palitan ng putok na ikinamatay ni Daet. (KNOTS ALFORTE/SIGFRED ADSUARA)
305
