NASA pag-iingat na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang 32 pakete ng hinihinalang “Kush” o high grade marijuana na natagpuan ng mga tauhan ng Philippine Navy sa dagat na saklaw ng West Philippine Sea.
Pormal na itinurn-over ng Provincial Intelligence Unit (PIU)-Palawan Police Provincial Office (PPO) sa PDEA Palawan ang nasamsam na illegal drugs para sa follow-up operation at proper disposition.
Ang nasabing kontrabando ay narekober ng Naval Task Force 41 na nasa pangangasiwa ng Western Naval Command, malapit sa Sabina Shoal na sakop ng West Philippine Sea malapit sa Palawan.
Tinatayang nasa 16 kilo ng high grade marijuana na nakasilid sa 32 clear at black plastic bags na tinatayang nagkakahalaga ng P19.2 million, ang nakuha ng mga tauhan ng Western Naval Command-Naval Task Force 41, kasunod ng direktiba na inisyu sa BRP Lolinato To-ong (PG-902) sa ginanap na anti-narcotics operation sa West Philippine Sea.
Sa ibinahaging impormasyon mula sa Maritime CAFGU Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-West), ang illegal substances ay nadiskubreng palutang-lutang sa dagat malapit sa Sabina Shoal sa West Philippines Sea nitong nakalipas na linggo.
Agad inatasan ng Naval Task Force 41 ang kanilang PG-902 para magsagawa ng search and retrieval operations hinggil sa namataang kahina-hinalang itim na bag na palutang-lutang sa dagat.
Dahil sa sinusunod na stablished procedures, agad isinurender ng Navy personnel sa Provincial Intelligence Unit (PIU) – Palawan Police Provincial Office (PPO) ang droga na sila namang nag-turnover sa PDEA Palawan.
Agad namang sinuri ng PDEA Palawan ang hinihinalang droga at sumailalim sa evaluation, field testing, at official inventory.
(JESSE RUIZ)
