P1K MONTHLY SA SOLO PARENTS KASADO NA

ASAHAN ang pag-arangkada ng P1,000 buwanang pensyon sa hanay ng mga magulang na nag-iisang nagtataguyod ng pamilya matapos lagdaan ang panuntunan ng Republic Act 11861 (Expanded Solo Parents’ Welfare Act), ayon mismo kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas na isa sa mga agresibong nagsulong ng noo’y panukala pa lang.

Aniya, pirmado na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11861 na siyang hudyat para simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng buwanang pensyon sa hindi bababa sa 15 milyong single parents.

“Malaking alwan ang mga dagdag benepisyong napagtagumpayan tin lalo’t walang ampat ang sirit ng presyo ng mga bilihin at malaganap ang kawalan ng trabaho,” ani Brosas.

Bukod sa naurang pensyon, kalakip rin aniya ng RA 11861 ang 10% diskwento at VAT exemption sa pagbili ng gatas, diaper, gamot at iba pang pangangailangan ng kanilang mga supling.

Sa ilalim ng naturang batas, nagtakda rin ng pitong araw na parental leave sa mga solo parent kahit anim na buwan pa lang sa kanilang pinapasukang trabaho.

Sakop din ng Expanded Solo Parents’ Welfare Act maging ang mga legal guardians at kaanak na solong nag-aaruga sa mga bata.

“Mahabang laban ang ating tinahak at ngayo’y umabot na tayo sa tagumpay na pagsasabatas ng panukala hanggang sa pagkakaroon na ng implementing rules and regulations,” ani Brosas, kasabay ng pagkilala sa sakripisyo ng kapwa militante – dating partylist Rep. Liza Maza.

Samantala, tiniyak naman ni Brosas na patuloy na tututukan ng mga militanteng kongresista ng implementasyon ng nasabing programa. (BERNARD TAGUINOD)

186

Related posts

Leave a Comment