P2.25-M HIGH GRADE MARIJUANA NASABAT NG BOC AT PDEA

KATUWANG ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang anim na pakete na naglalaman ng high-grade variant ng marijuana o kush na tinatayang nagkakahalaga ng P2,253,800.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, sa iba’t ibang consignee nakapangalan ang anim na parcel na tinangkang ipuslit sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.

Matapos na markahan na kahinahinalang parsela ay lumitaw sa isinagawang physical examination na naglalaman ang mga ito ng kabuuang 1,502 gramo ng kush na sadyang itinago sa nasabing shipments.

Agad na inilipat sa pangangalaga ng PDEA ang nakumpiskang kontrabando para sa case build-up at follow up investigation kaugnay sa posibleng pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, and Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mas maigting ang ginagawa nilang pagbabantay sa lahat ng puerto at mga paliparan, ayon sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pinalakas na border security.

(JESSE RUIZ)

80

Related posts

Leave a Comment