MAHIGIT P2 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa dalawang babaeng hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa Taguig City.
Kinilala ni NPD director, P/BGen. Jose Hidalgo Jr. ang arestadong mga suspek na sina Halima Macalunas, 48, may asawa, at Ponggo Pagayao, 20, kapwa ng Cagayan de Oro St., Brgy. Maharlika, Taguig City.
Ayon kay Hidalgo, sa pamamagitan ng intelligence driven operation ay isinagawa ng mga operatiba ng DDEU, sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Renato Castillo, ang buy-bust operation dakong alas-7:00 ng gabi noong Huwebes sa Cagayan de Oro St., Brgy. Maharlika, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P2,040,000, buy-bust money, at isang cellphone. (FRANCIS SORIANO)
132
