P20.7-M DROGA NASABAT SA 2 NEGOSYANTE

LANAO DEL SUR – Arestado ang dalawang negosyante sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga awtoridad makaraang mahulihan ng mahigit P20.7 milyong halaga ng ilegal na droga sa bayan ng Picong sa lalawigan, ayon sa ulat ng pulisya nitong Martes.

Sa ibinahaging report ni Brig. Gen. Jaysen de Guzman, director ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), isinagawa ang drug sting operation noong Lunes ng umaga sa national highway sa Barangay Maladig, bayan ng Picong.

Kinilala lamang ang naarestong dalawang high-value target na sina alyas “Ben” mula sa General Trias, Cavite, at “Markie,” residente ng Talitay, Maguindanao del Norte.

Nakuha sa pag-iingat ng suspected bigtime drug personalities ang 3,054 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,767,200 ang halaga, ang ginamit na P500,000 buy-bust money, dalawang mobile phones, at isang Toyota sport utility vehicle na may plakang NDB-6952.

Ayon sa opisyal ng pulisya, kumagat sa pain ang mga suspek na magbenta ng P500,000 halaga ng ilegal na droga sa isang poseur buyer na undercover agent ng pulisya.

Matapos ang aktuwal na palitan ng ilegal na droga at buy-bust money, agad dumating ang mga pulis na sakay ng sibilyang sasakyan at inaresto ang mga suspek.

(JESSE KABEL)

78

Related posts

Leave a Comment