NAGLAAN ng P200,000 halaga ng pabuya si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para madakip ang motorcycle rider na kasabwat umano sa pagpatay sa isang truck driver sa Paco, Manila kamakailan.
Ayon kay Moreno, naglaan siya ng P200,000 halaga para sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan at posibleng ikaaaresto sa isang motorcycle rider na nakita sa isang video na naging kasabwat sa pagpatay sa kababayan nito.
Kasabay nito, nanawagan ang alkalde sa pamilya ng suspek na kinilalang si Alfredo Curita, 52, ng Barangay San Jose, Tiaong, Quezon, na isukot na ito na upang mabigyan ng pagkakataon na idepensa ang kanyang sarili sa korte.
Tiniyak ni Moreno na hindi nila ibubunyag ang pagkakakilanlan ng sino mmang mayroong nalalaman sa kinaroroonan ni Curita.
Makipag-ugnayan aniya sa tanggapan ni Manila Police District (MPD) director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco para sa ano mang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng kasabwat sa pagpatay sa biktima.
Sa kanyang live broadcast, ipinakita ng alkalde ang isang closed circuit television (CCTV) recording kung saan makikita ang biktimang si Elbert Silva, 38, empleyado ng Quick Mover Cargo and Warehouse Corp. at residente sa Paco habang naglalakad kasama ang kanyang tatlong kasamahan sa trabaho sa Zulueta St. bandang alas-8:00 ng umaga.
Ilang saglit pa lamang ang nakararaan nang lapitan ito ng suspek na si Nestor Perez, 57, residente rin sa Tiaong, Quezon, at patraydor na binaril sa ulo.
Nang bumagsak ang biktima ay nagtakbuhan ang mga kasamahan nito habang muli namang binaril ng suspek sa ulo ang biktima bago tuluyang naglakad palayo sa crime scene.
Pinuntahan ng suspek sa Amadeo St. ang isang motorcycle-riding man, na kalaunan ay nakilalang si Curita at ipinasa dito ang isang bag na naglalaman ng baril na ginamit sa krimen.
Nang makuha ang bag ay kaagad namang sumibad palayo sa lugar si Curita.
Hinabol naman umano ng mga galit na residente si Perez at ginulpi na nagresulta sa pagkasugat nito.
Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) chief, P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay Jr., namataan ng nagpapatrulyang mga tauhan ng MPD-Paz Police Community Precinct ang komosyon na nagresulta sa pagkakadakip kay Perez.
“Kung gusto ninyong kumita nang malinis, magbigay kayo ng impormasyon at kakalawitin namin ito (Curita). Sabi ko sa inyo ‘wag kayo gagawa sa Maynila. Gusto namin ng kapanatagan,” babala ni Moreno.
Umapela rin ang alkalde sa pamilya ni Curita na kumbinsihin itong sumuko na.
“Kung nakikinig ang mga kamag-anak ni Curita, pasukuin n’yo siya. Ako, hangga’t maaari, gusto ko nakukuhang buhay ang mga suspect.
‘Yung gunman nadale, kinulata ng taumbayan,” pagtatapos ni Moreno. (RENE CRISOSTOMO)
