SUSUKA ng P268 Billion ang mga driver at operators ng mga tradisyunal na pampasaherong jeep sa ilalim ng modernization program ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang lumabas sa briefing ng House committee on transportation kaugnay ng jeepney modernization program na naging dahilan ng paglulunsad ng transport strike ng PUJ noong Lunes.
Sa pagtatanong ni 1-Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita, sinabi ng mga opisyal ng DOTr na 149,323 unit ng traditional jeep ang imomodernisa sa ilalim ng nasabing programa.
Kung nagkakahalaga aniya ng P1.6 million ang bawat unit ng modernong jeep, magkakahalaga ito ng P238 Billion at kung P2.4 million naman ang presyo nito ay aabot ng P358 Billion.
Dahil dito, dapat aniyang mag-ingat ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil nag-iisip aniya ang taumbayan na ‘may gustong kumita” kaya ipinipilit ang nasabing programa.
“Ang pananaw ng mga tao ay ginagamit lang natin (ang modernization program) para kumita ng pera,” ani Bosita na naniniwala na kapag may sangkot na pera sa isang programa ay “hundred percent may kikita dyan” kaya dapat mag-ingat aniya ang mga opisyales ng DOTr at LTFRB.
Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na hindi kakayanin ng isang tsuper na kumita ng P1,200 kada araw para pambayad sa amortization na aabot ng P38,000 hanggang P40,000 kada buwan.
Hindi pa kasama ang gastos sa gasolina at mauuwi sa kanilang pamilya kada araw kaya duda ang mambabatas na kayang hulugan ng mga tsuper at operators sa loob ng 7 taon ang modern jeepney.
“Sa ngayon P300 hanggang P500 lang ang naiuuwi ng isang driver,” ani Castro dahil bukod sa mahal ang gasolina ay nagbabayad ang mga ito ng boundary at malala ang trapik.
Ang nasabing programa ay inilunsad noong 2017 sa ilalim ng Duterte administration at sinimulan ng sumunod na taon subalit matapos ang anim na taon, 4,100 unit pa lamang ng tradisyunal na jeep ang namodernisa sa ilalim ng 201 kooperatiba.
Samantala, binalaan ni Castro ang DOTr at LTFRB na huwag pilitin ang mga driver at operators na sumama sa kooperatiba dahil isa aniya itong “unconstitutional” aniya ito.
Sa ilalim ng nasabing programa, kailangang sumama sa kooperatiba ang mga driver kung saan bibigyan ang mga ito ng tig-P160,000 na tulong pinansyal bilang panimula.
“Unconstitutional na pilitin mo ang isang driver sa isang organization na ayaw niya,” paalala ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)
