INILABAS na ang P300 milyong pondo para sa konstruksyon ng flood control structures at tatlong water pumping stations na bahagi ng flood control project na ilalagay sa bayan ng Bocaue, Bulacan upang mabawasan ang pagbaha rito partikular na sa low-lying areas sa nasabing bayan.
Ito ang ipinahayag ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office na kung saan ang mga nasabing pagawain ay sisimulan ang konstruksyon ngayong buwan ng Disyembre at inaasahang matatapos sa loob ng 120-araw o hanggang sa Marso ng taong 2021.
Ayon kay District Engineer Henry Alcantara, DPWH-1st District Engineering Office chief, ang naturang pondo ay mula sa budget ni Senator Joel Villanueva na nakapaloob sa General Appropriation Act -For Later Release (GAA-FLR) for the year 2020 na nabalam ang pag-release mula sa Department of Budget and Management (DBM) dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Senator Villanueva, ang mga proyektong ito ay bahagi ng mga naiwang programa na inilapit sa kanya ng yumaong nakababatang kapatid na si Mayor Joni Villanueva.
Nabatid na kasabay ng naturang flood control project ay sinisimulan na rin ng DPWH ang iba pang nakalinyang road infrastructure projects sa Una at Ikalawang Distrito ng Bulacan na mayroong kabuuang pondo na mahigit P292 milyon.
Una nang sinimulan nito lamang Nobyembre 24 ang 200-meter rehabilitation/ reconstruction/ upgrading ng sirang kalsada sa Balagtas-Bocaue Intercity Section sa kahabaan ng Manila North Road na pinaglaanan ng P18.834 milyon.
“Ang pondo para sa isasagawang mga road infra projects ay bahagi ng Multi-Year Contractual Authority (MYCA) of the 2020 General Appropriation Act -For Later Release (GAA-FLR) which was released late by the DBM due to the COVID-19 pandemic,” ayon kay DE Alcantara. (ELOISA SILVERIO)
