KALABOSO ang limang indibidwal makaraang ikasa ng Criminal Investigation and Detection Group-Negros Island Region (CIDG-NIR) ang buy-bust operation sa Negros Occidental.
Sa ulat ni PLt. Col. Richard Gumboc, Regional Chief ng CIDG-NIR kay CIDG chief PBGen Romeo J. Macapaz, Huwebes ng madaling araw nang magkasunod na isagawa ang buy-bust operation sa Lungsod ng Himamaylan sa naturang lalawigan.
Naunang isinailalim sa operasyon ng CIDG-NIR Regional Field Unit dakong alas-2:30 ng umaga sa Purok Ozmenia Barangay 2 ang mga nasakoteng sina alyas Omar; alyas Bebot at alyas Totong.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang 60 boxes na smuggled cigarettes at Isuzu closed van na ginagamit sa pagdedeliver.
Dakong alas-03:30 ay ikinasa naman ang ikalawang operation sa Taleon Beach Resort Sitio Batang sa Barangay Talaban, na nagresulta sa pagkakaaresto nina alyas Peter at alyas Mark na nakuhanan ng 117 boxes ng smuggled cigarettes.
Ayon kay Gumboc, umabot sa 177 boxes na ilegal na sigarilyo ang kanilang nakumpiska na nagkakahalaga ng P4,777.000.00.
Samantala, ang mga naaresto ay nasa custodial facility ng CIDG-NIR ng Regional Field Unit at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10643 Graphic Health Warning Law.
(TOTO NABAJA)
