INSULTO sa mga manggagawang Pilipino ang P40 na dagdag sa minimum wage sa National Capital Region (NCR) lalo na kung hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bukod ito, sinabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na ang baryang umento sa sahod ng mga minimum wage earner ay agad babawiin sa nakatakdang pagtaas ng buwis ng mga junk food at pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
“Without further action from Malacañang, this only adds insult to injury for young breadwinners and workers,” pahayag ni Manuel kaya dapat aniyang itulak ng Pangulo ang legislative across the board wage increase kung talagang may pagpapahalaga ito sa mga manggagawa.
Sinabi ng kongresista na sa sandaling ipatupad ang fare increase sa LRT at MRT at dagdag na buwis sa mga junk food na pantawid gutom ng mga obrero ay wala nang silbi ang nasabing wage increase.
Abonado pa aniya ang mga manggagawa dahil sa inaasahang pagtaas ng singil sa mga serbisyo publiko tulad ng kuryente at tubig at maging ang tuition fees sa susunod na pasukan.
“Measly wage hikes by the government are just policy perfume to appease the public if the same government instigates a tsunami of price hikes through various goods and services in the coming months,” ayon pa sa batang solon.
Dahil dito, kailangan aniyang kumilos si Marcos at ipakita kung talagang may pagpapahalaga ito sa mga manggagawa na siyang tunay na nagsasakripisyo para gumanda ang ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon ay may nakabinbing panukala sa Kamara ang grupo ni Manuel para sa legislative across the board wage increase na nagkakahalaga ng P750.
Mas malaki ito kumpara sa dalawa pang panukala na humihingi ng P100 at P150 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.
(BERNARD TAGUINOD)
