NAGHAIN ng mga reklamong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban kay Mark Allan Villamor Arevalo, sole proprietor ng Wawao Builders, dahil sa tinatayang P48.39 milyong tax deficiency na may kinalaman sa umano’y ghost projects sa Malolos City, Bulacan.
Ayon sa BIR, nilabag ng Wawao Builders ang National Internal Revenue Code sa pamamagitan ng tax evasion at hindi tamang pagdedeklara ng income tax at VAT returns para sa una at ikalawang quarter ng taon 2024.
Ayon sa ahensya, may kontrata ang Wawao Builders para sa pagtatayo ng riverbank protection structures sa Barangay Caingin na nagkakahalaga ng P77.20 milyon, at nakasingil ng mahigit P72 milyon kahit walang aktuwal na proyektong naipatupad.
Natuklasan ng Commission on Audit at ng sariling beripikasyon ng BIR, na walang naitayong istruktura sa lugar sa kabila ng ulat na 100 porsiyento umanong kumpleto ang proyekto.
Dahil dito, hindi kinilala ng BIR ang mga idineklarang gastos at input VAT ng kontratista.
Patuloy rin ang imbestigasyon ng BIR sa iba pang flood-control contractors na sangkot sa mga kahalintulad na anomalya.
Sa kabuuan, umabot na sa labintatlong kaso ang naisampa ng BIR kaugnay ng mga kuwestyunableng flood-control projects na may tinatayang P8.92 bilyong posibleng pananagutan sa buwis.
(JULIET PACOT)
59
