BISTADOR ni RUDY SIM
KUMIKITA ng P5.4 milyon sa ilegal na negosyo ng yelo ang tiwaling mga opisyales ng Bureau of Immigration, sa warden facility sa detention unit nito sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, para sa VIP treatment ng inmates dito na nagbabayad ng renta para sa “ICE ROOM” na nagsisilbing air conditioned room para sa mayayamang dayuhan na nakadetine.
Mula sa dalawang beses na delivery ng yelo na inaabot ng 300 sako kada araw ay kumikita di-umano ang mga opisyales dito ng P180K upang mag-supply ng sako-sakong yelo na ilalagay sa isang drum at tatapatan ng electric fan upang hindi mainitan ang mga dayuhang inmates na nagbabayad kada buwanang renta, na bukod pa sa P5.4 milyong kinikita sa yelo.
Kaugnay nito, matapos na pinagbitiw ng Malacañang ang isang mataas na opisyal ng BI dahil di-umano sa isyu ng korupsyon nito sa ahensya, ay naglabasan ang ilang isyu ng pananamantala umano nito sa kanyang kapangyarihan, isa na rito ang negosyo sa yelo sa Bicutan at ang mismong pagiging fixer nito sa mayayamang Chinese POGO na nakakulong sa BI detention unit, at maging ang pamimilit sa mga abogado sa ahensya, na gawing pabor sa kanyang kliyente ang lalabas na mga papeles? Maging ang mamahaling relo na Rolex umano ay pinatos pa ng opisyal sa lumalapit sa kanyang mga Chinese na may kaso? Talaga naman, ang kapal mo.
Matatandaang ibinisto natin kamakailan ang pagtungo ng mataas na opisyal ng BI sa piitan ng mga dayuhan upang personal na kausapin ang ilang kliyente nitong Chinese. Ngayong sinibak na ang opisyal sana naman ay wakasan na ang talamak na korupsyon at MAMBAbraso gamit ang kanilang posisyon sa ahensya.
Samantala, Bakit hindi silipin ng Ombudsman, DOJ at ng Senado ang lifestyle nitong isang opisyal ng BI Legal Division, na kasabwat ng nasibak na opisyal, sa kanilang raket sa pamemera sa mga kaso ng deportation at bail ng mga dayuhan? Bukod sa lifestyle ng opisyal umano ay nagmamay-ari ito ng ilang nakalululang properties sa Batangas. Ala eh, HOMEr Alone kaya ito sa kanyang bahay?
Isa pang beteranang opisyal ng BI ang tila sinasamantala ang kagipitan ngayon ng mga empleyado na nagtitiis na nga sa maliit na suweldo matapos na sila ay kaltasan ng higit 50% mula sa kanilang augmentation pay dahil sa kapabayaan ni Commissioner Joel Viado. Gaano kaya katotoo na sapilitang pinagbabayad ang mga empleyado para sa Barong na akala mo ay galing sa Funeraria Paz, na nagkakahalaga ng P2500 at kaltas sa suweldo? Aba’y mahiya naman kayo sa kakapalan ng face mo, Madam Auring… hmm teka, kamusta na kaya ang love life mo, Madam? Kinakamusta ko pala ang aking kaibigan si Pareng Estanislao… Wala lang…
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
