P55.3-M SHABU NADISKUBRE SA BIBLIYA, GERMAN TIMBOG

NASA walong kilo ng umano’y shabu na itinago sa Holy Bible, ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) katuwang Philippine Drug Enforcement Agency, sa isinagawang anti-illegal drug interdiction operation na nagresulta sa pagkakadakip sa isang German national sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Sabado.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ng tanggapan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, dumating ang German national sa NAIA mula sa kanyang connecting flight mula sa Addis Ababa, South Africa.

Subalit napuna ng matatalas na custom officials sa bagahe nito nang dumaan sa X-ray Inspection Project (XIP), ang umanoy na-detect na irregular images habang nasa routine non-intrusive baggage screening kaya ipinag-utos na magsagawa ng 100% physical examination.

Sa isinagawang preliminary investigation ng mga awtoridad sa pangunguna ng PDEA, nabatid na ang 77-anyos na German national na kinilalang si alyas “Peter,” ay mula sa Johannesburg, South Africa, na may connecting flight sa Hong Kong.

Kinumpiska sa suspek ang isang itim na Camel Mountain backpack na kinalalagyan ng dalawang libro na may label na “Holy Bible.”

Lumitaw sa pagsusuri ng mga custom official at PDEA, katuwang ang iba pang mga kasapi ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, ang siyam na improvised plastic pouches na nakabalot sa packaging tape at carbon plastic na inilagay sa Bibliya.

Naglalaman ang nasabing pouches ng nasa humigit kumulang sa 8,145 grams ng white crystalline na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.

Base sa standard drug price, aabot sa P55,386,000.00 ang halaga ng nasamsam na illegal drugs na tinangkang ipuslit ng banyaga.

Hawak na ng PDEA ang nadakip na foreigner at nasamsam na droga para sa kaukulang follow-up investigation at inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 9165 at Republic Act No. 10863.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, “We are tightening our controls through technology, intelligence, and inter-agency coordination. Our message is clear—attempts to bring illegal drugs into the country will be detected, intercepted, and prosecuted.”

Ayon naman kay NAIA District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa, bahagi lamang ito ng pagsisikap ng BOC na makasunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pangalagaan ang lahat ng boarder at entry point ng bansa laban sa magtatangkang magpuslit ng mga kontrabando papasok ng Pilipinas.

(JESSE RUIZ)

9

Related posts

Leave a Comment