P62-B GUGUGULIN SA PAGPULBOS SA TERORISTA

SA hangaring palakasin pa ang pwersa ng militar laban sa mga terorista, naglaan ng tumataginting na P62 bilyong pondo ang pamahalaan para sa 32 Black Hawk helicopters at patrol vessels na gagamitin sa karagatan.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nakatakda na ang pagbili ng gobyerno ng dagdag pwersa sa himpapawid at karagatan sa pagpasok ng susunod na taon. Aniya, nakipag-ugnayan na na rin sila sa bansang Poland para sa 32 Black Hawk helicopters at sa Australia kung saan naman bibilhin ang patrol vessels.

Aniya, nagkakahalaga ng P32 bilyon ang mga sasakyang panghimpapawid, samantalang nasa P30 bilyon naman ang gagamiting sasakyang dagat sa pagpapatrolya sa mga anyong tubig.

Paglilinaw ng Kalihim, wala pang nilalagdaan kontrata ang pamahalaan para sa dagdag kakayahan ng militar –”still under negotiation,” sambit ni Lorenzana.

“I’m very happy that before his term ends, we will be able to sign the contract for the 32 additional Black Hawk helicopters,” dagdag pa niya.

Paniwala ni Lorenzana, mas magiging epektibo ang kampanya ng Armed Forces of the Philippines laban sa mga terorista kung may sapat na kakayahan ang sandatahan.

“Kung marami tayong helicopters, mas madali ang trabaho ng mga infantry na katulad ko, hindi na kami maglalakad nang malayo, lilipad na lang kami run. Hindi na kami magdadala ng maraming pagkain dahil meron kaming resupply so it all boils down to this synergy of our forces,” pagtatapos ng Kalihim. (JESSE KABEL)

143

Related posts

Leave a Comment