NASA mahigit P7.50 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs (BOC), at iba pang ahensiya ng pamahalaan, sa loob ng nakalipas na linggo.
Habang nasa 107 personalidad na sangkot sa droga ang naaresto sa loob ng masinsinang anti-narcotics campaign sa buong bansa.
Mula Marso 6 hanggang 12,2026, nagsagawa ang mga operatiba ng PDEA, sa pakikipag-ugnayan sa PNP, AFP, BOC, at iba pang ahensiya, ng 85 high-impact anti-drug operations sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang dito ang buy-bust operations, interdictions, controlled deliveries, at marijuana eradication missions na pumilay sa mga pangunahing ruta ng supply ng droga at pagbuwag sa aktibong distribusyon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, isa ito sa pinakamalaking lingguhang tagumpay sa kanilang tuloy-tuloy na pambansang kampanya laban sa ilegal na droga, na layuning masawata na makarating sa mga komunidad ang mapaminsalang droga.
Kabilang sa mga nakumpiskang ilegal substance ngayong linggo: shabu (Methamphetamine Hydrochloride): 948,670.34 gramo; Marijuana Kush: 853,895.21 gramo; Tuyong dahon ng Marijuana: 31,084.12 gramo; Halamang Marijuana: 67,070 piraso, binunot at sinunog; Marijuana stalks na may bunga: 17,900.00 gramo; Langis ng Marijuana: 125 millilitro; at Ecstasy: 2 piraso
Umabot sa tinatayang P7.50 bilyon ang kabuuang halaga sa kalsada ng mga nakumpiska, na nagdulot ng malaking pagkaantala sa suplay ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon pa kay Undersecretary Isagani R. Nerez, ang lingguhang tagumpay ay patunay ng dedikasyon, propesyonalismo, at koordinadong lakas ng mga ahensya ng pamahalaan.
“Ang mga resulta ay nagpapakita ng matatag na paninindigan ng ating mga opisyal at katuwang na ahensya sa pagprotekta sa sambayanang Pilipino laban sa panganib ng ilegal na droga.
Sa pagtanggal ng P7.50 bilyong halaga ng ilegal na droga sa sirkulasyon, napigilan natin ang napakalaking pinsala sa ating mga komunidad.
Magpapatuloy ang ating operasyon hanggang sa tuluyang mabuwag ang drug networks at maging ligtas ang ating mga pamayanan,” diin ni DG Nerez.
(JESSE RUIZ)
87 