QUEZON – Isang itinuturing na high-value target sa bentahan ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit (QPDEU) sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City pasado alas-singko y medya ng hapon, noong Biyernes.
Kinilala ang suspek sa alyas “Boy”, 44 na taong gulang, at residente ng Barangay Mayao Crossing.
Naaresto ito matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap bilang buyer.
Sa isinagawang paghalughog, nakumpiska mula rito ang kabuuang tatlong sachet at isang plastic bag na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na humigit-kumulang 35 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P714,000.00.
Kinumpiska rin mula sa suspek ang buy-bust money at isang motorsiklo na ginagamit umano sa transaksyon.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Lucena City Police Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 laban dito.
(NILOU DEL CARMEN)
12
