TINAWAG ng isang militanteng mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ‘standy pork’ ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang P731.45 billion na unprogrammed fund na kilala rin bilang UA o unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 national budget.
Ang pambansang pondo sa susunod na taon na nagkakahalaga ng higit P5.678 trillion ay lagda na lamang ni Marcos ang kailangan matapos itong ratipikahan sa dalawang kapulungan ng Kongreso bago sila nag-adjourned nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, pinalobo sa Bicameral Conference committee ang UA ni Marcos dahil mula sa P281 billion na inaprubahan ng Mababang Kapulungan ay dinagdagan ito ng P449 billion kaya umaabot ito ngayon sa 731.45 billion.
“Higit doble ang inilaki ng unprogrammed funds para sa susunod na taon mula sa P281 billion sa House version patungong P731.45 billion. Napakalaking standby pork nito na nasa kontrol ng Pangulo, mas malaki pa sa pinagsamang badyet ng DOLE, DSWD at DOH,” ani Brosas.
Base sa kasalukuyang sistema, nagpapanukala ng proyekto ang gobyerno na maisasakatuparan lamang kung magkakaroon ng sobrang buwis na makokolekta o kaya mangungutang sa ibang bansa.
“Historically, napopondohan ang 70-90% ng unprogrammed funds dahil sa sobrang non-tax revenues tulad ng rice tariff revenues at dayuhang pautang,” paliwanag ng mambabatas.
Ito marahil aniya ang dahilan kaya itinutulak sa Kongreso ang House Bill (HB) 9513 para baguhin ang tradisyunal na patakaran sa pagpopondo sa UA at isama sa pagkukunan ng pondo ang mga excess fund ng government owned and controlled corporations (GOCCs).
Naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala na inakda ni Albay Rep. Joey Salceda at inaantay na lamang ang bersyon ng Senado para maging ganap na batas.
“This Marcosian magnitude of standby appropriations underscores the boundless discretionary spending by the regime in 2024 in time for the upcoming midterm elections. This certainly dwarfs the total confidential funds in the final budget,” ayon pa kay Brosas.
(BERNARD TAGUINOD)
170