Meat products na kontaminado ng ASF nasabat din
Aabot sa mahigit pitong daang milyon pisong halaga ng pekeng goods o kalakal ang nakumpiska ng Bureau of Customs Intelligence Group (BOC-IG) sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay City at Maynila kamakailan.
Noong nakaraang Mayo 21, 2019, ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga operatiba ng BOC-IG sa mga warehouse na matatagpuan sa Baclaran, Pasay City matapos na makatanggap sila ng tip at impormasyon na may warehouse sa nasabing lugar na naglalaman ng mga pekeng kalakal na ibinebenta sa palengke.
Dito natuklasan at nakumpiska ang mga pekeng branded footwear, wearing apparels, cosmetics, toys, at cellphone accessories.
Malinaw na ang nasabing mga items ay may paglabag sa Republic Act (RA) No. 8293 o ang Intellectual Property (IP) Code of the Philippines at Section 118 (f) ng RA 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016.
Sa isinagawa namang follow-up operation ng BOC at sa pag-inspeksyon sa isang warehouse sa Sta. Cruz, Maynila nitong nakalipas na Mayo 28 ay natagpuan ang smuggled at unregistered medical products.
Ang naturang mga items ay malinaw na lumabag sa Section 117 ng CMTA na pinagbabawal ang importasyon ng goods/items na walang kaukulang import permits.
Ang matagumpay na operasyon ay resulta na rin ng pinaigting na kampanya ng ahensiya kontra smuggling sa pakikipagtulungan na rin ng Intellectual Property Rights Division and Customs Intelligence and Investigation Service sa ilalim ng BOC-IG, BOC-Enforcement and Security Service at Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force-NCR.
Samantala, nasabat pa rin ng BOC ang produktong karne na hinihinalang kontaminado ng African Swine Fever (ASF) na nanggaling umano sa bansang China na ipinasok sa Port of Subic kamakailan.
Ayon sa ulat, Mayo 29, 2019 nang masabat ng ahensiya ang nasabing shipment na naka-consign sa Rudar Trading Corporation na naglalaman ng pork products sa Port of Subic.
Bago nasabat ang kontrabando, isinailalim ito sa surveillance at monitoring ng Office of the District Collector at ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Port of Subic bilang pagsunod na rin sa kautusan ng Food and Drugs Administration at inilabas na memorandum ng Department of Agriculture na may kinalaman sa “Temporary ban on the importation of domestic and wild pigs and their products including pork meat and semen” na nagmula sa mga bansang apektado ng ASF tulad ng China.
Kaya naman agad na nag-isyu ng Alert Order No.A/DC/SUB/20190529-01 ang Port of Subic matapos matuklasan ang nasabing shipment na may lamang pork meat products-pork balls na idineklarang may halagang P600,000.00.
Noong nakaraang Hunyo 3, 2019, ang Port of Subic ay nakipagtulungan sa Bureau of Animal Industry (BAI) quarantine officers para pangasiwaan ang eksaminasyon ng nasabing shipment.
Sa isinagawang aktuwal na eksaminasyon sa shipment ay natuklasang naglalaman din ng fish tofu at maraming box ng pork at pork derived products.
Agad inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang shipment dahil sa paglabag sa Section 1113 (f) ng Republic Act No. 10863 o mas kilala sa Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Department of Agriculture/Office of the Secretary Memorandum Nos. 23 and 26 na nagbabawal sa pagpasok ng karneng baboy at kapareho nitong produkto na nagmula sa China at iba pang bansa na apektado ng ASF.
SMUGGLED ITEMS NASABAT PA SA PORT OF CEBU
Sa Port of Cebu, iba’t ibang items na nagmula sa bansang China na ipinasok sa nasabing pantalan ang nasabat din ng ahensiya.
Ang nasabing shipment ay dumating sa Sub-Port of Mactan mula China noong Marso 26 ng taong kasalukuyan dala ng isang pasaherong nakilalang si Jo Nari.
Ayon sa Customs Examiner na si Hevelyn Marzado, isinailalim nila sa physical examination ang bagahe ng nabanggit na pasahero sa nasabing eksaminasyon at natuklasan ang mga laman nitong hindi deklarado na kinabibilangan ng limang pares ng Chanel shoes, dalawang pares ng Christian Dior shoes, tatlong pares ng Gucci shoes, dalawang pares ng Adidas shoes, dalawang pares ng LV shoes, tatlong pares ng Berluta shoes, isang pares ng Al-Exander Macqueen shoes, isang pares ng Balenciaga shoes, isang pares ng Hermes sandals, tatlong pares ng LV & Valentino sandals, isang piraso ng LV wallet, tatlong piraso ng LV bags, pitong piraso ng assorted fake pants, dalawang piraso ng Gucci bags, isang piraso ng Goyard bag, siyam na piraso ng CK boxers, apatnapung piraso ng assorted t-shirts dresses at jackets, at siyam na piraso ng assorted socks.
Ang shipment ay inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Abril 15 kaugnay ng pagiging misdeclared/undeclared items at malinaw na paglabag sa Section 1113 Section (f) na may kaugnayan sa Section 117, Section 1113 (i) at Section 1404 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Nauna nang ipinag-utos ni District Collector Atty. Elvira Cruz sa Customs Enforcement and Security Service ang paghuli sa nasabing mga kargamento batay sa Customs Memorandum Order No. 8-84.
Ang pagkumpiska ay sa pakikipagtulungan ng Customs personnel mula Sub-Port of Mactan Passenger Service, sa pamumuno ni OIC Atty. Ricardo U. Morales II, CESE.
Isinailalim na sa safekeeping ang mga nakumpiskang items at hinihintay na lamang ang final disposition.
