NILINAW ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi resulta ng anomang budget insertion ang mahigit P700 milyong halaga ng mga proyektong nakalaan sa kanyang distrito sa susunod na taon, kundi ibinalik lamang ang pondong nauna umanong ibinawas.
“I could not have made any insertion because I am not even a member of the Committee on Appropriations,” paliwanag ni Tiangco matapos kuwestiyunin ang karagdagang P748 milyon na inilaan sa Navotas City.
Ayon sa mambabatas, nakasaad sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na P1.410 bilyon ang panukalang pondo para sa Navotas City. Gayunman, bumaba umano ito sa P362 milyon matapos baguhin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang budget bunsod ng mga isyu sa flood control projects.
Lumalabas na P1.048 bilyon ang ibinawas ng DPWH sa orihinal na alokasyon ng Navotas City. Kalaunan, napagtanto umano ng ahensya na nagkaroon ng pagkakamali kaya ibinalik ang P748 milyon sa nasabing halaga.
“Out of the P1.048 billion difference, only P748 million was restored, plus an additional P6 million—which, since October 13, I have been saying na hindi ko alam kung saan nanggaling.
Therefore, the total HGAB budget for Navotas is P1.116 billion, which is still P294 million lower than the P1.410 billion minimum budget that Navotas should receive,” paliwanag pa ni Tiangco.
Iginiit din ng mambabatas na wala siyang itinatago at matagal na niyang isinusulong ang ganap na transparency sa budget process.
“Wala akong tinatago. In fact, as early as October 13, 2025, I have been calling for the posting of the budgets of all districts and party-list groups for full transparency, which clearly shows that I am not hiding anything. Kung may tinatago ako, hihilingin ko ba na i-publish ito?” ani Tiangco.
Dahil dito, muling nanawagan si Tiangco sa liderato ng Kamara na ilabas ang budget ng bawat distrito, kabilang ang mga proyektong inendorso ng mga party-list congressmen, upang mabusisi ng publiko habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa bicameral conference committee.
“Nakita naman natin sa bicam na may mga isyu pagdating sa budget ng DPWH. Mas mahalaga na mailabas ang impormasyon habang bukas pa ang bicam at maaari pang itama o amyendahan ang budget. Publishing the list of projects and their proponents will only help the public know who is adding what and why,” dagdag pa niya.
(BERNARD TAGUINOD)
94
