MAHIGIT walong (8) bilyong piso ang inilagak na puhunan ng mga dayuhan sa ABS-CBN sa pamamagitan ng Philippine Depository Receipts (PDR) na ibinenta ng ABS-CBN Holdings na siyang may-ari rin ng ABS-CBN Broadcasting corporation.
Ito ang isiniwalat ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government sa paglabag umano ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa.
Ayon kay Barzaga, umaabot sa 289,827,100 ang PDRs na inisyu ng ABS-CBN Holdings Corporation mula 1999 hanggang Marso 2020 kung saan ibinenta ito sa halagang P46 kada PDR.
Sa nasabing PDR, sinabi ni Bargaza na 111,761,335 (PDRs) ang hawak ng mga Filipino o katumbas ng 37.4% at nagkakahalaga ito ng P5,141,021,410.
“At yun naman PDRs na ang nag-invest ay foreign nationals umaabot ito sa 187,065,765 PDRs and at the rate of P46 for every PDR. Ang total value ng PDR na nasa kamay ng foreign nationals ay umaabot sa P8,605,025,190 representing 62.6%,” ani Barzaga.
Ayon sa mambabatas, mismong ang mga opisyales ng ABS-CBN ang nagsumite sa mga nabanggit na dokumento na nagpapatunay na mas malaki ang puhunang inilagak ng mga dayuhan sa giant TV network kumpara sa mga Filipino.
Ikinagulat naman ito ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kaya hindi umano ito magtataka kung nadidiktahan ng mga dayuhang mamumuhunan ang ABS-CBN dahil sila ang may malaking puhunan sa nasabing kumpanya.
“Can you imagine yung impluwensya na puwedeng gawin ng PDR holders, foreign having P8 Billion, nagmamay-ari ng walong bilyong piso,” pahayag ni Defensor.
Bilang isang negosyante na may pinakamalaking puhunan aniya sa isang kumpanya, ay hindi maaaring hindi makialam ang mga ito at bagama’t sa ABS-CBN holdings nila ito binili ay puwede umano nilang diktahan ang nasabing kumpanya para sa kanilang interes sa broadcast network.
“Kahit saan negosyo, kung sino ang may pinakamalaking inilagay na pondo siya po ang pwedeng mag-impluwesya either directly or indirectly kahit wala siyang kontrol,” ayon pa kay Defensor.
Ayon naman kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, kahit bali-baliktarin umano ng Lopez group of companies ang sitwasyon, hindi nila maitatanggi na isa sa mga may-ari ng ABS-CBN broadcasting corporation ay mga dayuhan na labis na ipinagbabawal ng batas. BERNARD TAGUINOD
