PA ng ABS-CBN iniatras KAMARA ‘NABAHAG ANG BUNTOT’

MISTULANG bumigay sa matinding pressure ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso nang iatras nito ang panukalang batas na magbibigay ng provisional authority (PA) sa ABS-CBN habang dinidinig ang kanilang aplikasyon para sa panibagong 25-taong prangkisa.

Inanunsyo ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang privilege speech nitong Martes ang pag-atras sa panukala matapos umanong lumala ang pagkakahati-hati sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN.

“Because of all this divisiveness and after consulting with members of the House…. I, together with the House of Represenatives leadership decided to forego with the provisional franchise and immediately proceed with the hearings for the full 25-year renewal app of the ABS franchise,” ani Cayetano.

Ang nasabing panukala o House Bill (HB) 6732 ay magbibigay sana ng PA sa ABS-CBN para makapag-operate hanggang Oktubre 31, 2020 habang dinidinig ang kanilang prangkisa.

Agad na inatasan ni Cayetano si House committee on legislative franchises chairman Franz “Chikoy” Alvarez na simulan ang pagdinig sa prangkisa ng nasabing network at tiyaking lahat ng mga pabor at kontra ay kailangang marinig.

“The hearings must be fair, impartial, comprehensive and thorough,” ayon pa kay Cayetano dahil hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maraming kontra sa pagpapalawig sa prangkisa ng nasabing network.

“To the extremists outside Congress who are either for or against ABS franchise renewal: don’t poison the debate. It will not help your cause nor enrich your position. Let love and reason carry our passions and argument, not hate and obsession,” dagdag pa nito.

‘DI DAPAT MAS MATIMBANG SA BAYAN

Bago inanunsyo ni Cayetano ang pag-atras sa nasabing panukala, tila naglabas ito ng sama ng loob dahil mas binibigyan umano ng atensyon ang isang pribadong kumpanya kumpara sa pangangailangan ng bayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Arguing that the fate and future of one private corporation, no matter how influential, cannot be weighed against the welfare of the nation and the well-being of the people,” ani Cayetano.

Sinabi ng mambabatas na nais ng mga ito na unahin sana ang kapakanan ng mamamayan kaya hindi agad naasikaso ang prangkisa ng ABS-CBN subalit may mga grupong nais unahin ang kapakanan ng nasabing network.

“We are talking about survival. We are talking about people’s lives. We are talking about people’s livelihood. So akala ko, pag sinabing timeout lang, di ba, dahil para sa bayan naman ‘to, para sa ating lahat, we can find a consensus,” ani Cayetano.

UMARANGKADA SA SENADO

Samantala, umarangkada na sa Senado ang itinuturing na “anticipatory hearing” sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation habang hinihintay ang pinal na bersiyon ng mababang kapulungan hinggil dito, ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian.

Sa kanyang pahayag sa ginanap na pagdinig na dinaluhan ng ilang senador, kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno, kabilang si dating Senate President Juan Ponce Enrile, sinabi ni Gatchalian na hindi pa magkakaroon ng pinal na report hangga’t wala pang pinal na bersiyon na manggagaling sa Kongreso.

Layunin ng  ‘hybrid” hearing na talakayin ang Senate Bill No. 981 na naglalayong bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa loob ng 25 taon at Senate Bill No. 1521 na nagbibigay ng temporary franchise sa network hanggang sa pagtatapos ng June 2022.

Pinangunahan ni Gatchalian ang pagdinig bilang vice chairman ng Senate committee on public services matapos mag- inhibit si Senador Grace Poe, chairman ng komite, sa pagdinig. Hindi rin boboto si Poe sa anomang desisyon ng komite.

Samantala, kinuwestiyon ni Enrile ang pagbibigay ng temporary franchise sa nertwork na maaaring pagmamaliit sa Saligang Batas.

Sinabi ni Enrile na sa halip, dapat talakayin ng Lehislatura ang 25 taong prangkisa upang magkaroon ng permanenteng legislative grant ang naturang network.

“Why can you not give a permanent franchise to ABS-CBN right away, conduct a day-and-night hearing… instead of playing with the constitution by granting a temporary franchise?,” aniya sa pagdinig.

“If Congress can grant a temporary franchise, what is the compelling reason for Congress not to grant a permanent franchise with a reasonable period of 25 years?,” dagdag pa niya. BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES

129

Related posts

Leave a Comment