PAANO KUNG SI TEVES ANG NAPATAY?

BISTADOR

NAIWASAN sana ang madugong Pamplona massacre na ikinasawi ng sampu katao kabilang si Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 4 taong kasalukuyan habang ito ay nagbibigay ng tulong sa mga benipersaryo ng conditional cash transfer program, kung binigyang pansin ang panawagan ni Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa banta sa kanyang buhay.

Matatandaang humarap sa mga miyembro ng media si Teves noong nakaraang January 12 sa isang press conference kasama ang kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio upang ipanawagan sa pamahalaan at sa kinauukulan ang mga seryosong banta sa buhay ng pamilya Teves.

Sinabi noon ni Teves na nag-ugat ang kaso nang akusahan ito na siya ang nasa likod ng malawakang operasyon ng E-Sabong sa lalawigan na itinanggi nito at maging ang umano’y harassment na pagpasok sa kanyang tahanan na sinasabing binalak na taniman ng granada upang mapalaki ang kanyang kaso.

Hanggang dalawang buwan ang nakaraan nang mangyari ang kasong gumimbal sa pamahalaan sa maliwanag na panahon at sapul sa CCTV na walang-awang pinaulanan ng bala ng mga suspek ang mga sibilyan kasama si Gov. Degamo.

Nangyari ang krimen na wala sa bansa si Teves habang ito’y nagpapagamot sa ibang bansa at kung ating titingnang mabuti ay ito ang tamang panahon kung mayroon mang may planong pabagsakin si Teves kaya’t dapat tingnang mabuti ng ating mga kinauukulan ang lahat ng mga anggulo sa kasong ito.

Hindi nalalayo ang kasong ito sa ilang eksena sa pelikula na sa huli ay sa kagalit o mortal na kalaban ng biktima agad na ituturo ang sisi at magiging suspek agad sa krimen. Nakapagtataka naman kung professional hitman ang mga suspek ay ganoon din kabilis nilang ikinanta at itinuro si Teves bilang nasa likod ng krimen at mastermind sa pagpatay kay Degamo.

Paano na lang kaya kung si Teves ang napatay? Kanino kaya ito isisisi, kay Degamo kaya? Dapat ay mas laliman pa ni DOJ Secretary Boying Remulla ang imbestigasyon dito at tingnan ang lahat ng mga anggulo imbes na magpapogi lagi sa harap ng camera, at kung anong mga plano nito nang ituring si Teves bilang isang terorista.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Teves na bumalik na ito sa bansa upang harapin ang mga akusasyon sa nangyaring Pamplona massacre at siniguro ng pangulo ang kanyang kaligtasan sa kanyang pag-uwi.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

164

Related posts

Leave a Comment