HINDI pa kinukonsidera ng PDP-Laban faction sa ilalim ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Davao City Mayor Sara Duterte bilang alternative presidential candidate sa May 2022 elections.
“We have not discussed that. They have not reached out to us. We have no basis to even discuss it this time,” ayon kay Cusi.
Tumanggi rin si Cusi na magkomento kung bukas ang PDP-Laban na i-adopt si Mayor Sara bilang kanilang standard-bearer.
“I don’t like to answer that because there are a lot of things to be taken into consideration, and it’s not only me that would make the decision,” aniya.
Inendorso ng Cusi faction sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Senador Christopher “Bong” Go bilang vice presidential at presidential candidates sa Eleksyon 2022.
Tinanggap naman ni Pangulong Duterte ang endorsement ng partido subalit ayon sa Malakanyang, ito ay sa ilalim ng pang-unawa na ang kanyang anak na si Mayor Sara ay hindi tatakbo bilang pangulo sa susunod na taon.
Tinanggihan naman ni Go ang pag-endorso sa kanya sabay sabing hindi siya interesado na tumakbo sa pagka-pangulo.
Gayunman, inamin nito ang naunang ibinunyag ni Mayor Sara na inalok niya ang sarili para maging running mate nito kapag nagdesisyon na tumakbo sa pagka-pangulo ang nakababatang Duterte.
Si Mayor Sara, chairperson ng regional party Hugpong ng Pagbabago, ay naunang nagpahayag na bukas siya na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022. (CHRISTIAN DALE)
Pimentel, Pacquiao nilaglag na
Kaugnay nito, pinadedeklara ng PDP-Laban Cusi faction wing sa Commission on Elections (Comelec) na illegitimate ang grupo nina Sens. Aquilino “Koko” Pimentel III at Manny Pacquiao.
Ito ang kinumpirma ni PDP-Laban secretary general Melvin Matibag sa press conference kahapon bilang paghahanda sa kanilang party convention ngayong araw kung saan papangalanan na ng partido ang kanilang 12 senatorial candidates.
“PDP Laban has filed a case in the Comelec against the group usurping party authority and pretending to be representatives of our party. The matter is now with the Comelec and we will let the established law, rules, and regulations prevail. We shall refrain from discussing the specific issues raised in our petition out of respect to the commission,” ani Matibag.
Inihain ang nasabing petisyon sa Comelec kahapon, Setyembre 6, sa pamamagitan ng kanilang abogadong si Antonio Zulueta. Umaasa ang lapian na agad magdedesisyon ang komisyon.
Nahati ang partido sa pagitan nina Cusi at Pimentel-Pacquiao wing nang tanggalin ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte ang dalawang senador sa kanilang posisyon.
Hindi nagpatinag ang mga senador at sinibak naman bilang chairman ng partido si Duterte na pinalitan ni Pimentel habang nananatiling pangulo si Pacquiao, ang posisyon na hawak na ni Cusi.
Samantala, sinabi ni Cusi na pinagsarahan sila ng pintuan ni Pacquiao nang imbitahan nila ang senador sa kanilang partido.
Convention tuloy
Samantala, pangungunahan ngayong araw (Setyembre 8) ni Pangulong Duterte ang convention ng paksyon ng kanyang political party.
Inaasahan na isasapubliko na rin ng partido ang kanilang mga kandidato para sa 2022 elections.
Nauna nang ni-nominate ni Cusi si Pangulong Duterte bilang bise-presidente at Sen. Christopher “Bong” Go bilang kanilang standard-bearer.
At sa tanong naman kung dadalo sa convention sina Pangulong Duterte at Go ay sinabi ni Cusi na “They are main characters in this event and we expect them to be there.”
“We are expecting, of course, the arrival of the President to preside over the meeting,” dagdag na pahayag ni Matibag.
Sa naunang plano ay gagawin ang convention sa Bulacan, subalit napagdesisyunan na gawin na lamang ito sa San Fernando, Pampanga dahil sa COVID-19 restrictions.
Tinatayang may 400 katao naman ang dadalo sa convention habang ang iba ay magpapartisipa sa online.
Sa tanong kung bakit itutuloy pa rin ang pagsasama-sama ng mga miyembro ng PDP-Laban sa kabila ng pandemya ay sinabi ni Cusi na “It is not a show of force… It is a process that we need to comply [with].” (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
173 