PADALA NG OFWs PUMALO SA $2.52-B

MULING pinatunayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang mahalagang papel nito sa ekonomiya ng bansa makaraang mapakapagdala sila ng kabuuang 2.65 bilyong US dollar halaga sa kani-kanilang mga pamilya at kamag-anak nitong Marso.

Ang perang ito ay ang mga ipinadala ng mga OFW sa pamamagitan ng online remittances platform at ‘pasuyo’ sa mga katrabaho sa ibang bansa, ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa BSP, bumaba ito ng 5.2 porsiyento mula sa 2.79 bilyong US dollar noong Marso, 2019.

Isinalarawan ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, na ang perang inaambag ng mga OFW ang siyang pangunahing dahilan ng pagiging “signipikante” ng papel na ginagampanan sa ekonomiya ng bansa.

Nilinaw naman ni Dr. Celerino “Chie” Umandap, tagapangulo ng Advocates and Keepers Organization of OFW Inc. (AKO OFW), sa manunulat na ito na “sa simula’t simula naman ay malinaw na malaki ang ambag ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.”

Isiniwalat din ni Matula na ang sektor ng OFW ay “ang pangalawang pinagkukunan natin ng kapital mula sa labas ng bansa.”

Ang una ay ang kita ng pamahalaan sa mga inilalabas na mga produkto sa maraming bansa.

“Malaking haligi ng private consumption [ang perang galing sa mga OFW] na sinasabing 75% [ang kontribusyon nito sa] ating GDP (gross domestic product),” susog ni Matula, pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).

Ang opisyal na paliwanag ng BSP sa 5.2 porsiyentong pagbaba ng padalang pera ng mga OFW nitong Marso ay “largely due to the lesser number of Filipinos deployed overseas in the first three months of 2020 relative to the comparable level last year.”

Eksaktong tinukoy ng BSP na nabawasan ng $150 milyon ang naipadala ng mga OFW na nakabase sa lupa ang trabaho nitong Marso.

Masyadong malaki rin ang ibinababa ng padala ng mga OFW na nagtatrabaho sa mga bansang pinagmumulan ng langis tulad ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA), United Arab Emirates (UAE) at

Kuwait dulot ng pagbaba ng produksiyon ng langis.

Ayon sa isang ekonomista ng isang bangko na si Ruben Carlo Asuncion, higit pang dumausdos ang perang padala ng mga OFW na isasapubliko ng BSP sa susunod na mga linggo dahil sa napakalaking tama ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng napakaraming bansa. NELSON S. BADILLA

237

Related posts

Leave a Comment