NALAPOS ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang padre de pamilya makaraang sumabog ang kanilang super kalan habang nagluluto ng kanilang agahan sa Pandacan, Maynila noong Huwebes ng umaga.
Ayon sa ulat, nangyari ang pagsabog sa loob ng bahay ni Aniseto R. Benito Jr., sa Barangay 871, Pandacan, Maynila.
Nagresulta ang pagsabog sa matinding pagkalapnos ni Benito sa 97% ng katawan nito.
Sa kabila na inabot ng sunog ng biktima, nagawa pa rin nitong isalba ang dalawa niyang anak na noo’y natutulog at isa sa mga ito ay nagkaroon ng bahagyang paso sa braso.
Mabilis namang tumugon ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamumuno ni Director Jay R. Dela Fuente at inatasan si District Welfare Office VI (DWO VI) na magsagawa ng validation at rapid assessment sa insidente.
Agad ding nagbigay ng tulong ang MDSW sa pamilya kabilang dito ang medical assistance at pangangalaga sa mga bata na dumanas ng minor injury.
Nagbigay rin sa pamilya ng relief assistance packages kabilang ang DSWD food box, kitchen kit, hygiene kit, at sleeping kit.
Personal ding binisita ni Dela Fuente ang pamilya at siniguro na ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng MDSW, ay patuloy silang susuportahan.
Ayon kay Dela Fuente, nabagsakan ang biktima ng tolda na nasusunog kaya siya ang napuruhan at nalapnos ang halos buo niyang katawan. Siya ay kasalukuyang ginagamot ngayon sa Philippine General Hospital (PGH).
Nangako rin si Dela Fuente na tutulong sa natitirang mga pangangailangang medikal ng biktima kabilang ang referrals, koordinasyon sa mga ahensya at anomang iba pang tulong na kinakailangan upang masiguro ang full recovery at kapakanan ng mga anak ng padre de pamilyang sugatan.
(JOCELYN DOMENDEN)
