PAG-AMPAT SA INFLATION TINATRABAHO NG BBM ADMIN

KUMBINSIDO si dating Department of Finance (DoF) Secretary Roberto de Ocampo na may ginagawang mga hakbang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maging malakas at tuloy-tuloy ang takbo ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni de Ocampo, nakikita niyang nagsusumikap ang administrasyong Marcos para matiyak na may trabaho ang mga tao habang naghahanap din ito ng remedyo upang ang presyo ng bilihin at krudo ay hindi naman masyadong tumaas.

“Kaya medyo umaapak din tayo sa preno tungkol sa ekonomiya ngunit hindi tayo umaapak sa preno nang tuluyan katulad ng Amerika sapagkat mas malala ang sitwasyon nila doon at hindi bagay sa atin na kopyahin natin ang ginagawa nila. Ito po ay parang pagtitimpla na katamtaman at tamang pagsulong ng ekonomiya at ang pagsipsip ng sobrang piso sa ating ekonomiya. Hindi po madaling usapan, pero iyan po ang sitwasyon,” ani de Ocampo.

Sa kasalukuyan, dalawang bagay ang ginagawa ring hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa harap ng forecast ng mga eksperto na baka lumampas sa 6% ang inflation rate.

Isa na rito, ayon kay de Ocampo ay kontrolin ang money supply o suplay ng piso sapagkat kapag sumobra ay bababa ang halaga nito.

” Unang-una po, iyang inflation na nangyayari ngayon ay nagbubunga sa Amerika, hindi po nagbunga dito sa Pilipinas. At alam ninyo may kasabihan na kapag sinipon iyong Amerika, nagkakaroon ng pneumonia iyong ibang mas maliliit na bansa katulad natin. Eh ngayon hindi lang sinipon ang Amerika, na-pneumonia pa,” ayon kay de Ocampo.

“Aabot ba tayo nang mas mataas sa 6%? Sa palagay ko depende kung ano ang gagawin ng gobyerno para hindi naman umabot sa ganoon. Ang ginagawa po nila ay dalawa, mayroong ginagawa ang BSP upang kontrolin ang money supply, supply ng piso sapagkat kapag sumobra din naman iyan ay bababa ang halaga,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)

155

Related posts

Leave a Comment