PAG-ATAKE SA ESCODA SHOAL HAYAG NA KARAHASAN SA WPS – GOITIA

MANILA — Hindi maaaring ituring na karaniwang insidente ang pagkasugat ng tatlong mangingisdang Pilipino at pagkasira ng dalawang bangkang pangisda sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isa itong hayagang pananakit at sinadyang karahasan laban sa mga Pilipinong legal at payapang naghahanapbuhay sa sarili nilang karagatan.

“Hindi armado ang mga mangingisda. Wala silang nilalabag na batas. Maliit ang kanilang mga bangka at malinaw ang pakay—mangisda para may maipakain sa pamilya,” ani Goitia. “Pero hinarap sila ng high-pressure water cannons at mapanganib na maniobra ng mga sasakyang pandagat ng Tsina.”

Diin niya, hindi aksidente ang nangyari kundi planadong hakbang upang manakot, manakit, at itaboy ang mga Pilipino mula sa sarili nilang karagatan. “Kapag sinasadya ang pananakit sa mga sibilyan sa sarili nilang teritoryo, hindi na ito maaaring tawaging harassment,” aniya.

Dagdag pa ni Goitia, walang legal o moral na katwiran ang pananakit sa mga mangingisdang walang nilalabag na batas at tanging kabuhayan ang ipinagtatanggol.

Agad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard upang sagipin ang mga nasugatang mangingisda, magbigay ng agarang tulong medikal, at tiyakin ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kabila ng patuloy na panghaharang.

“Malinaw na gising ang estado at handang ipagtanggol ang mga Pilipinong lehitimong nasa sarili nilang karagatan,” ani Goitia. “Ang pagprotekta sa mga sibilyan ay hindi opsyon—ito ay tungkulin ng estado.”

Muling iginiit ng Tsina ang mga claim na matagal nang ibinasura ng international law. Sa ilalim ng 2016 arbitral ruling, malinaw na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Escoda Shoal.

“Ibig sabihin, may karapatan ang ating mga mangingisda,” ani Goitia. “At malinaw kung sino ang lumabag.”

“Kapag sinaktan ang mangingisdang Pilipino, hindi lang bangka ang pinipinsala,” dagdag niya. “Direktang tinatamaan ang pamilya, winawasak ang kabuhayan, at nilalapastangan ang dignidad ng sambayanan.”

Binigyang-diin ni Goitia na ang soberanya ay may kabuluhan lamang kung aktibong ipinagtatanggol ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa karagatang pinaghuhugutan ng buhay.

“Ang West Philippine Sea ay hindi ideya lang,” ani Goitia. “Ito ay lugar kung saan nagtatrabaho, nabubuhay, at umaasa ang mga Pilipino.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

72

Related posts

Leave a Comment