PAG-DELIVER NG MGA INABANDONANG BAGAHE, MAS MAPABIBILIS NA SA PAGBABALIK NG DDCAP!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

MAY magandang balita tayong natanggap na inihatid mismo sa atin ni DDCAP President Joel Longares, pabirong sinabi nito sa inyong lingkod sa ating programa sa radyo sa DZME 1530 khz noong Miyerkoles, na nagbunga na ang ­pangungulit namin sa kanya at sa Bureau of Customs.

Ito ay nang muling pumasok sa eksena ang Door-to-Door Association of the Philippines (DDCAP) sa pamamahagi ng balikbayan boxes na unti-unti nang inilalabas ng BOC.

Sa ating panayam kay Mr. Longares, sinabi nito na na­ging matagumpay ang kanilang pulong ni BOC Dir. Michael Fermin at nagkaroon ng kasunduan na kukunin na mula sa ahensya, ang pamamahagi ng mga kahon mula sa Kabayan Island Express Cargo na nauna nang inilabas ng BOC at dinala sa portnet warehouse na matatagpuan sa Sta. Ana, Manila. Ayon kay Boss Joel, nasa mahigit walong daang kahon pa ang nasa portnet na hindi pa nakukuha ng reci­pients nito at dadalhin na muna sa kanilang warehouse sa Las Piñas upang ayusin bago simulan ang delivery.

Tinanong ko rin ang ukol sa labing-anim na cargo ­containers na mula naman sa Allwin cargo na sinimulan na ring ilabas ng Customs nito lang nakaraang linggo. ­Masayang ibinalita nito na huwag nang mabahala ang mga humihiling na ihatid na lang ang kanilang mga padala sa kanilang mga tahanan dahil isusunod na raw nilang kunin ang mga ito. Nasa labing walong containers ang inabandona ng Allwin cargo at labing-anim na ang naiproseso ng BOC para mailabas, samantalang may naiwan na dalawa pa sa South Harbor dahil may nasilip ang ahensya na mga padala na hindi naman balikbayan boxes, hindi pa kasama rito ang dalawang CMG containers na inabandona na rin ng nagpadala nito.

Matatandaang sa aming panayam kay BOC Director Fermin matapos na makabalik bansa galing sa isang pagpupulong sa Europa, sinabi nito na mababa ang bilang ng claimants ng mga balikbayan boxes ng Kabayan Island Express Cargo sa portnet kaysa kanilang inaasahan. Naging magulo naman ang releasing ng kahon mula naman sa Allwin sa Balagtas, Bulacan kung saan dinala ang unang tatlong containers na inilabas ng BOC nito lang sabado.

Sa muling pagpasok ng DDCAP sa eksena, inaasahan na mapabibilis ang proseso ng distribusyon ng balikbayan boxes samantalang mawawalan naman ng sakit ng ulo ang Bureau of Customs ukol dito.

176

Related posts

Leave a Comment