‘PAG DISIPLINADO ANG GOBYERNO SUSUNOD ANG MGA TAO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG talagang nais ng Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila na malinis ang kanilang lungsod, kailangang higpitan ang mga kumpanyang kinokontrata nila sa paghahakot ng mga basura.

Ang laki ng pondong inilalaan ng LGUs sa paghahakot ng mga basura kada taon mula sa buwis natin pero ang serbisyo ng kinuhang mga kumpanya, hindi man lahat siguro, ay karima-rimarim tulad ng mga hinahakot nilang mga basura.

Kung oobserbahan n’yo, ang daming sumasama sa trak ng basura na umiikot sa ating komunidad para maghakot ng mga basura pero hindi lahat ng mga basura ay hinahakot nila, as in may mga naiiwan pa rin lalo na ‘yung mga hindi nakalagay sa trash bags.

Sa laki ng lugar na iniikutan ng isang trak ng basura, kapag pinagsama-sama mo ang iniiwan nilang mga basura, malaking bulto ang mga ‘yan na posibleng mapunta sa mga kanal na dahilan ng pagbabara.

Sa ibang bansa tulad ng Japan, may kasamang walis ang mga naghahakot ng basura at kahit isang piraso ng basura ay hindi nila iniiwan pero dito sa atin, ‘yung mga nakasupot lang ang hinahakot at kinukuha nila.

Kaya ‘wag na kayong magtaka na maraming basura ang napupunta sa waterways at kapag nagbaha ay ang mga tao ang sinisisi kesyo hindi disiplinado sa pagtatapon kaya kapag umulan, matindi ang pagbaha.

Saka kung napapansin n’yo, ang target ng mga naghahakot ng basura ay ‘yung mga basurang pakikinabangan lang nila at iniiwasan ‘yung mga walang pakinabang kaya punong-puno ng mga kalakal ang kanilang sasakyan.

Palagay ko, alam ito ng mga kumpanyang kinontrata ng LGUs at imposibleng hindi rin ito alam nina Mayor, pero wala silang ginagawa para itama ang trabaho ng mga nagbabasura para matiyak na lahat ay hahakutin at hindi lang ang mga pakikinabangan nila o naibebenta nila.

Minsan, hindi na ako naniniwala na lahat ng mga sumasama sa mga trak ng basura ay totoong empleyado dahil kung minsan ay may menor de edad at ‘yung iba naman ay naghihingi ng perang pambili raw ng pagkain.

Mas marami sila kapag Christmas season na kanya-kanyang bigay ng sobre para lagyan ng pamasko ng mga residente at kapag hindi nabigyan ay galit pa sila at ang matindi, iniiwan nila ang basura ng mga hindi nagbigay.

Kung hindi mababago ang sistemang ito ng mga naghahakot ng basura, hindi mareresolba ang pagbaha sa Metro Manila kahit paikutan pa ang buong rehiyong ito ng flood control projects.

Sabi ni BBM, dapat maging disiplinado ang mga tao, pero bago ang mga tao, dapat ang gobyerno muna ang magdisiplina sa kanilang sarili at kapag ginawa niya ‘yan, susunod at susunod ang mga tao.

188

Related posts

Leave a Comment