SA gitna ng pagsipa ng bilang ng mga estudyanteng nagpapatiwakal sa nakalipas na dalawang taon, hiniling ng isang kongresistang aktibista sa Palasyo na magdeklara ng Mental Health Emergency sa lalong madaling panahon.
Sa kabilang bakuran ng lehislatura, mungkahing solusyon ng isang senador, higpitan ang bentahan ng alak sa hanay ng mga kabataan.
Ang totoo, higit pa sa mahigpit na regulasyon sa pagbebenta ng alak ang kailangan para mapigilan ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis na kabataan. Mas angkop kung pag-aralan ang ugat ng suliraning bumabalot sa mga menor de edad.
Isa sa nakikitang dahilan, karamdaman sa utak bunsod ng depresyon. ‘Yan mismo ang laman ng Executive Order 141 na nilagdaan ng dating Pangulo dalawang taon na ang nagdaan.
Sa datos ng Department of Education (DepEd), nakapagtala ng 404 na pagpanaw ng mga estudyante mula taong 2021 hanggang 2022. Bukod sa nasabing bilang, mayroon pang 2,247 na iba pang pinalad mabuhay matapos magbigti, maglaslas at iba pang paraan para buhay nila’y wakasan.
Batay aniya sa kasaysayan, wala pang naitalang ganun kadaming kaso ng mga kabataang gustong wakasan ang sariling buhay. Kapuna-punang ang naturang datos ay saklaw ng panahong bawal ang bentahan ng alak.
Marahil, tama lang na isama sa prayoridad ng DepEd, Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kumuha ng mas maraming mental health professionals para tumugon sa mga kaso ng depresyon sa hanay ng mga mag-aaral.
Base sa ulat ng DepEd, mayroon lang isang mental health professional ang nakatutok sa 13,400 estudyante, kasabay ng giit na 1:500 ang tinawag niyang “ideal ratio.”
