PAGBABA NG TEENAGE PREGNANCY PINATITIYAK

BAGAMA’T bumaba ang bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy sa bansa, nanindigan si Senador Win Gatchalian na dapat tiyaking may mga epektibong hakbang na ipatutupad para sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga batang ina.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ni Commission on Population and Development (POPCOM) Executive Director Juan Antonio Perez III na may 56,428 na mga sanggol ang isinilang sa mga inang may edad na sampu hanggang labing-pito noong 2020. Mas mababa ito ng 6,082 o sampung porsyento sa 62,510 na naitala noong 2019.

Ayon sa POPCOM, ang ilang paghihigpit sa protocols at mga lockdown, kabilang ang kawalan ng face-to-face classes, ay nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ng maagang pagbubuntis. Ngunit babala ng ahensya, maaari pa ring umakyat muli ang mga bilang kapag nawala na ang mga problemang may kinalaman sa pandemya.

Kaya naman para kay Gatchalian, dapat lalo pang paigtingin ng pamahalaan ang mga hakbang nito upang mapigilan ang pagdami ng mga batang ina sa bansa.

Isa na rito ang wastong pagpapatupad ng sexuality education sa mga paaralan. Bagama’t nag-isyu ang Department of Education ng DepEd Order No. 31 s. 2018 upang gabayan ang paghahatid ng comprehensive sexuality education, lumabas sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (2021) ang ilang mga hamon sa pagpapatupad nito.

“Upang patuloy nating mapababa ang bilang ng mga batang ina sa mga susunod na taon, dapat nating tiyakin na may sapat tayong mga programa na magbibigay proteksyon sa ating mga kabataan. Dapat nating bigyan ito ng prayoridad dahil madalas napagkakaitan ng magandang kinabukasan ang mga batang ina,” ani Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture. (ESTONG REYES)

255

Related posts

Leave a Comment