PAGBANGON NG EKONOMIYA, UMPISAHAN NA

NGAYONG araw nakatakdang ianunsyo sa publiko ang magiging kapalaran ng National Capital Region (NCR) ukol sa kung anong uri ng community quarantine ang ipatutupad ng pamahalaan.

Tayo ba ay mananatili sa general community quarantine (GCQ) o maaari na ba itong ibaba sa modified GCQ (MGCQ)?

Ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, may posibilidad din na muling itaas sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR at Cebu. Sa kabila nang patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, marami ang umaasa na mananatili tayo sa GCQ o kaya naman ay maibaba pa sa MGCQ.

Kasalukuyang nasa mahigit sa 25, 000 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa. Ginagawa naman ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang makontrol ang pagkalat ng virus sa bansa.

Mahaba pa ang landas na ating tatahakin upang marating ang kinalalagyan ng New Zealand na ayon sa mga balita ay naging matagumpay sa pagsugpo ng virus sa kanilang bansa.

Noong unang araw ng GCQ ay dagsa agad ang maraming mananakay at motorista sa labas. Marami ang nagbalik-trabaho at marami ang bumiyahe ngunit ang bilang ng pampublikong transportasyon ay nanatiling limitado. Ito ang naging sanhi sa pagka-stranded ng maraming mananakay. Bagama’t hindi naging maganda ang karanasan ng marami, naiintindihan ko kung bakit hindi binigyan nang pahintulot ng Department of Transportation (DOTr) na magbalik-operasyon ang ibang pampublikong transportasyon. Ang pagpapatupad ng GCQ kasi ay hindi naman nangangahulugan na wala na ang panganib ng pagkakaroon ng virus. Ito ay ginawa lamang upang makabangon na ang ating ekonomiya.

Sa mga ganitong panahon ng kagipitan mas lalong nangangailangan ng ibayong pagpapasensya dahil normal din naman para sa mamamayan na magalit sa mga nangyayari dahil sa abalang naidudulot nito sa kanila. Ganyan din ang pinagdaanan ng Manila Electric Company (Meralco) nitong mga nakaraang linggo. Sa gitna ng mga kontrobersiya at isyu ay mayroon pang mga grupong tila nanggagatong at mas pinalalala ang mga bagay na nagreresulta sa pagtindi ng galit ng publiko.

Ang balita patungkol sa “bill shock” na kinaharap ng Meralco noong nakaraang buwan ay naging matinding usapin hindi lamang sa social media kundi pati sa Kongreso. May mga grupong nagsabi na tila sinamantala ng Meralco ang sitwasyon at ginamit ito upang makasingil ng malaki sa mga konsyumer. Pinabulaanan naman ito agad ng Meralco. Naglabas agad ng paliwanag ang Meralco ukol dito. Ipinaliwanag ng Meralco, ang pagtaas ng konsumo sa panahon ng ECQ ay bunsod nang pananatili sa loob ng bahay ng buong pamilya. Kasabay pa nito ay ang pagpasok ng panahon ng tag-init.

Naging matiyaga ang Meralco sa pagpapaliwanag sa mga customer nito. Itinuon din nito ang atensyon sa mga hakbang na makatutulong sa mga customer. Pansamantala nitong isinuspinde ang paniningil ng guaranteed minimum billing demand (GMBD) sa mga negosyo upang makabawas sa bayarin nito. Nagpatupad din ito ng installment payment scheme para sa mga customer. Ang mga bill na naipon noong ECQ ay maaaring bayaran sa loob ng apat hanggang anim na buwan.

Ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng mga mamamayan ang magiging susi sa matagumpay na pagsugpo sa COVID-19. Sa atin na rin nakasalalay ang laban na ito. Huwag natin sayangin ang mga ginawang sakripisyo ng pamahalaan at ng mga frontliner. Huwag natin hayaang umabot tayo sa puntong mapipilitan na naman ang pamahalaan na isakripisyo ang ekonomiya para sa ating kaligtasan.

144

Related posts

Leave a Comment