Pagbasura sa reklamo vs Leonen ‘PINONENTE’ NG EX-OFFICIO NI VELASCO

MISTULANG pinonente ng kinatawan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagbasura sa impeachment case na isinampa ni FLAGG-Maharlika secretary general Ed Cordevilla laban kay Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen.

Sa pagdinig ng House committee on justice na pinamumunuan ni Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso III kahapon sa impeachment complaint, pinangunahan ng mga deputy speaker ang pagbasura sa kaso.

Sa pangunguna ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, kinuwestiyon nito ang kawalan ng mga dokumento na magpapatunay sa alegasyon ni Cordevilla laban kay Leonen hinggil sa hindi nito pagsusumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) at hindi nito pag-aksyon sa maraming kaso na nasa kanyang tanggapan at wala rin umanong personal knowledge ang complainant.

“And therefore, the complaint Mr. Chairman is undeniably, purely hearsay and the rules will say that hearsay will not stand in any proceedings,” ayon kay Rodriquez.

Ganito rin ang pahayag ni Deputy Speaker Doy Leachon na agad naghain ng motion para idismis ang impeachment complaint kahit hindi pa nagsasalita ang ibang miyembro ng komite.

“Being the case [based on newspaper reports] this impeachment complaint sad to say is a mere scrap of paper,” ani Leachon at kalaunan ay idinagdag nito na “I would like to move for the dismissal of impeachment complaint that we have right now based being insuffiency of form”.

Sinusugan naman nina Deputy Speaker Bienvenido Abante at John Pablo Garcia ang katuwiran nina Rodriguez at Leachon. Pareho rin ang naging litanya ng mga miyembro ng oposisyon tulad nina Albay Rep. Edcel Lagman, Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate at Quezon City Rep. Christopher “Kit” Belmonte.

Nang magpatawag ng botohan si Veloso sa mosyon ni Leachon, unang idineklara na 37 ang bumoto ng pabor na ibasura ang impeachment complaint, zero ang no vote at zero ang abstention.

Kalaunan ay nilinaw ng komite na 44 ang bumoto ng Yes, 0 No Vote at 2 Abstain.

Kapansin-pansin na full force ang mga mga deputy speaker sa nasabing pagdinig na pawang bumoto ng pabor sa pagbasura sa impeachment complaint tulad nina Ferdinand Hernandez, Evelina Escudero, Bernadette Herrera, Kristine Singson-Meehan, Wes Gatchalian, Michael Romero, Neptali Gonzales III, Lito Atienza, Rosemarie Arenas, Rodante Marcoleta, Deogracias Savellano, Mujiv Hataman, Strike Revilla, Isidro Ungab at Marlyn Alonte.

Ang mga nabanggit ay personal na bomoto nang tawagin sila isa-isa.

Ang mga deputy speaker ay mga kinatawan ng Speaker of the House sa lahat ng komite kung saan sila ay otomatikong miyembro at may karapatang bumoto. (BERNARD TAGUINOD)

140

Related posts

Leave a Comment