NANAWAGAN si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibigay din sa mga nakakulong na senior citizens ang mga angkop na benepisyo.
Paliwanag ni Ordanes, walang diskriminasyon sa hanay ng mga nasa edad 60 pataas base sa mga umiiral na batas.
“Dahil hindi nakikita ang ating elderly persons deprived of liberty (PDL) kaya hindi na rin sila naiisip sa usapin ng mga programa at benepisyo para sa senior citizens,” saad ng mambabatas.
Apela niya kay Social Welfare Sec. Rex Gatchalian at Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na magpalabas ng direktiba na maisama ang matatandang bilanggo sa indigent senior’s pension, gayundin na mairehistro sila bilang miyembro ng Philhealth.
Ang elderly PDLs naman sa mga lokal na kulungan ay kwalipikado sa mga benepisyo at programa ng lokal na pamahalaan sa senior citizens, sabi pa ni Ordanes.
Naniniwala din ang mambabatas na kapag nagawa ito ng gobyerno, mapapadali na sa matatandang bilanggo na makabalik sa lipunan kapag sila ay nakalaya sa pamamagitan ng parole, pardon, executive clemency o dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Umapela na rin si Ordanes kay Pangulong Marcos Jr., na ikonsidera ang kondisyon ng matatanda nang magulang ni Mary Jane Veloso sa pagbibigay ng executive clemency sa dating overseas Filipina worker na nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.
Ayon pa sa namumuno sa House Senior Citizens Committee, tuwing Kapaskuhan ay tradisyon na ng Punong Ehekutibo na magpalaya ng mga bilanggo.
