NANAWAGAN si Senator Joel Villanueva na imbestigahan ng Senado ang diumano’y paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga “troll” farm na itinatag para magkalat ng maling impormasyon sa halalan sa susunod na taon.
“Makukonsidera po nating weapons of mass distraction ang mga organized trolls. Nagtatanim sila ng binhi ng kasinungalingan na nahihinog at inaani ng mga kababayan nating nalinlang sa akala nila ay katotohanan,” ayon kay Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Inihain ni Villanueva kasama ang 11 pang senador sa pamumuno ni Senate President Vicente Sotto III at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Senate Resolution No. 768 na humihiling sa kapulungan na imbestigahan ang mga ulat na public funds ang gamit umano sa pagpopondo sa troll farms na nagpapakalat ng fake news.
Giit ni Villanueva, ang pagpapalaganap ng fake news ay mayroong malubhang kahihinatnan.
Umapela si Villanueva na kondenahin ang mga troll farms at magtulong-tulong upang buwagin ang mga ito. (ESTONG REYES)
133
