NANANAWAGAN ang Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na imbestigahan ang anila’y kaduda-dudang transaksyon sa ilang proyekto sa Oroquieta City.
Nabatid na naghain ng dalawang Resolution (249-21 at 250-21) ang Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental, kung saan nanawagan sila kay DPWH Secretary Mark Villar at PACC Chairman Greco Belgica na imbestigahan si DPWH District 1 Engr. Maria David at ang iba pang miyembro ng District 1 Bids and Awards Committee (BAC).
Ito ay dahil sa hinalang pinaboran umano ni David ang ilang kontraktor sa isang bidding.
Nagsampa ng reklamo sa DPWH ang Grace Construction, isa sa mga contractor na sumali sa bidding, laban kay David. Ayon sa reklamo, mababaw lamang ang mga dahilan kung bakit diniskwalipika ang ilang kontraktor. Kagaya ng may isang dump truck na hindi maayos o hindi available para sa inspeksyon. Kadalasan din umano, ang mga tinatanggal ay ang mga may pinakamababang bid.
Bukod dito, ipinadala sa mga nadiskwalipikang contractor ang notice of disqualification sa araw na sarado ang mga ito (Sabado) at binigyan lamang sila ng tatlong araw para sagutin ito.
Sa kabila ng pagsunod sa tagubilin ng DPWH District 1 BAC na sumagot ang mga nadiskwalipikang bidder sa loob ng tatlong araw, hindi umano nakakuha ang Grace Construction ng kahit anong komunikasyon mula sa BAC.
Dahil dito, naghain ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan.
Sa privilege speech na nakasaad sa resolution, iminungkahi ni Board Member Ruvy D. Ala na alamin kung may kinalaman sa mga anomalyang naganap si Congressman Diego Ty, kinatawan ng Misamis Occidental District 1.
Sa isang radio interview, ipinahayag ni Ty na hindi umano dapat sumali ang mga kontraktor na hindi naman galing sa District 1.
Kinuwestyon at inakusahan din ni Ty na hindi maganda ang kalidad dahil sa napakababang bid ng mga kontraktor mula sa District 2.
Ang mga nanalo sa bidding, sa kabila ng mataas na bid, ay ang Mamsar Construction, RDY Construction, Miragem Construction at iba pang kontraktor na di umano’y mga pag-aari ng mga kaalyado ni Ty sa pulitika. (ANNIE PINEDA)
226 