Paghalal kay Velasco tinawag na ilegal CAYETANO KAPIT-TUKO SA TRONO

(NELSON S. BADILLA)

MULING pinatunayan ni Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang pagiging kapit-tuko nito sa pagiging speaker ng Kamara de Representantes makaraang balewalain ang paghalal ng mayorya ng mga kongresista kay Representative Lord Allan Velasco bilang “bagong” speaker nitong Lunes.

Ayon sa mga mambabatas, hindi kinilala ni Cayetano ang paghalal ng 186 kongresista kay Velasco dahil “suspendido” ang sesyon ng Kamara mula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 15.

Ang suspensyon ay batay sa mosyon ni Cayetano noong Oktubre 6 na inaprubahan ng mayorya ng mga kongresista.

Inakusahan pa ni Cayetano na “illegal” ang naganap na halalan.

Naniniwala ang kampo ni Velasco na ang patuloy na paggiit ni Cayetano sa kanyang sa sarili sa pinakamataas na puwesto sa Kamara ay sadyang aksyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ibang salita, dinedma ni Cayetano ang galit ni Duterte sa pagkapit nito sa pagiging speaker kapalit nang pagkakaipit at pagpapatigil sa talakayan ng mga kongresista hinggil sa P4.506 trilyong badyet na hinihingi ng pangulo sa Kongreso.

Si Velasco ay inihalal ng 186 congressmen sa Celebrity Sports Club sa Quezon City.

Kumbinsido ang kampo ni Velasco na “solidong mayorya” ito laban sa kumampi kay Cayetano hanggang Lunes ng hapon.

Ayon kay Cayetano: “Ang purpose nila, manggulo. The last time I checked, ang Celebrity Sports Club ay hindi Kongreso. They are throwing the Constitution to waste. Fake session ang ginagawa nila.”

“This is a very disturbing precedent. Sabi nila, basta may quorum. Basta may quorum, they can meet any day and anywhere and do whatever they want? Kung valid ‘yan, banana republic na tayo,” patuloy ng kinatawan ng unang distrito ng lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros sa Kamara de Representantes ng Ika-18 Kongreso.

Dahil kumbinsido siyang “illegal” at “labag sa Konstitusyon” ang ginawa ng kampo ni Velasco, nanindigan si Cayetano na siya pa rin ang totoong pinuno ng Kamara.

 

Galit ni Digong binabalewala

Mistula naman umanong pagbalewala sa apela ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isantabi ang pulitika at ipasa muna ang 2021 national budget.

Sa kabila kasi ng ipinakitang galit ni Pangulong Duterte sa nangyayaring gulo sa Kongreso ay patuloy sa kanilang bangayan sina Cayetano at Velasco. Hindi rin sumunod ang kampo ng mga ito sa naunang ‘gag order’ ng Palasyo.

“Ang pakiusap ni Presidente sa mga mababatas ngayon na nagtitipon-tipon naman po: isantabi ang pulitika, ipasa ang budget,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

“Any talk of Speakership will delay the passage of the 2021 budget… Anything they do after the budget is the affair of the House of Representatives,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

 

Isantabi ang ambisyon

May halong pagbabanta naman ang pahayag ni Senador Christopher Bong Go kina Cayetano at Velasco na “Huwag ninyong subukan ang Pangulo. Huwag ninyong antayin pa na he will solve this problem for you.”

Ayon kay Go, bagama’t hindi ito nakikialam sa nangyayari sa Kamara ay dapat na tiyakin ng mga kongresista na maaayos ng sigalot ng mga ito at agad na ipasa sa huli at ikatlong pagbasa ang 2021 national budget.

“My only appeal to my fellow legislators, given the health crisis we are still in now, is to set aside political and partisan differences as well as personal ambitions in favor of national interests and the welfare of our people. Let us work together and pass the 2021 national budget on time,” apela nito.

“Kailangan na sa January 1, handa na ang aprubadong budget na sapat at angkop sa mga pangangailangan ng bansa ngayon upang tuluyang labanan ang pandemya, pasiglahin ang ekonomiya at tulungang maiahon sa krisis lalo na ang mga pinakamahihirap at pinakanangangailangan nating mga kababayan,” sabi pa ni Go.

 

May the best man win

Samantala, binanggit ni Sec. Roque na galit na si Pangulong Duterte sa nagaganap na bangayan sa liderato sa Kongreso.

Ang nais lamang naman aniya ng Pangulo ay maipasa ang P4.506-trillion budget sa tamang oras.

“Ang pakiusap ni Presidente sa mga mambabatas ngayon na nagtitipon-tipon naman po: isantabi ang pulitika, ipasa po ang budget. I hope that it is clear enough for everyone to understand,” ayon kay Sec. Roque.

“Nadala na po siya dahil walang tigil ang pulitika diyan sa Kamara. Ang gusto lang ng lahat nung mga gusto maging speaker ay kapangyarihan eh paano naman ang bayan?”dagdag na pahayag nito.

Iginiit pa ni Sec. Roque na hindi kailanman manghihimasok at makikialam ang Pangulo sa labanan ng liderato sa Kongreso sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

“Wala na po siyang pakialam kung ano ang gagawin ng mga mambabatas matapos maipasa ang 2021 budget. To each his own po ‘yan. Wala pong pinapanigan. May the best man win for the speakership,” ang pahayag ni Sec. Roque. (May dagdag na ulat sina CHRISTIAN DALE at NOEL ABUEL)

175

Related posts

Leave a Comment