PAGHARAP SA REALIDAD

SA nakalipas na tatlong dekada ay nasaksihan ang mabilis na pagnipis ng mga lupang agrikultura. Ang mga dating sakahan, napalitan ng mga golf course, residential subdivisions, condominium, resort at iba pa. Ang karagatan, sinakop na rin ng mga banyaga.

Ang resulta – bumaba ang produksyon ng pagkain, na siyang hudyat sa pag-angkat ng agri-products na dati-rating tayo ang nag-e-export sa ibang bansa.

Sa loob ng mahabang panahon, umasa ang Pilipinas sa mga pagkaing supply mula sa ibang bansa. Kalaunan, naramdaman ang negatibong epekto sa mamamayang Pilipino. Hindi na halos kayanin ang ipinaiiral na presyo sa mga produktong iniaasa natin sa ibang bansa.

Wala na rin halos magbubukid na nais magsaka dahil sa pagtaas ng presyo ng abono, binhi at irigasyon. Ang mga mangingisda, takot nang pumalaot dahil sa pambabarako ng mga Tsino.

Ang siste, bagsak na rin ang ekonomiya.

Paano na tayo? Uutang na naman bang muli ang gobyerno? Ang totoo, hindi maiiwasan ‘yan lalo pa’t halos matuyo na ang ating kaban.

Sa puntong ito, higit na kailangang mas ­maging mahusay humawak ng salapi ang susunod na administrasyon. Angkop ding tutukan – at kung pwede tuldukan muna ang katiwalian, hanggang sa makabangon man lamang ang ating inang bayan.

Mainam din marahil na umpisahan ang pagbabago sa sistema ng gobyerno at tugunan ang mga san­digan ng mamamayan – ang sektor agrikultura.

Bakit sektor ng agrikultura? Sa pagkain nagsisimula ang mga manggagawa. Paano magtatrabaho ang empleyadong kumakalam ang sikmura? Ang mga mag-aaral, paano matututo kung maya’t maya tiyan niya’y kumukulo?

Kung tutuusin, hindi pa naman huli ang lahat dahil may malawak pang lupaing pwedeng gawing taniman ng palay, gulay o kanlungan ng ­paghahayupan. Ang karagatan, sa mga mangingisdang Pilipino – at hindi sa mga Tsino ilaan.

Sa isang banda, ‘yan naman ang pangako ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. noong siya’y nangangampanya. At kung mayroon mang angkop na pwedeng gawin ang mamamayang Pilipino – ‘yun ay ang magtiwala at tulungan ang susunod na Pangulo.

Walang problemang ‘di kayang lutasin ng sambayanang nagkakaisa. Sa mga kontrapelo, taympers muna kung pwede lang naman.

213

Related posts

Leave a Comment