PAGIGING EPEKTIBO NG LOCKDOWN NAKASALALAY SA ATING LAHAT

NAKAPASOK na sa bansa ang kinatatakutang Delta variant ng COVID-19. Nag-uumpisa na ang muling pagtaas ng kaso sa bansa. Noong ika-7 ng Agosto ay umabot sa 11,021 ang bilang ng naitalang bagong kaso ng virus. Ito ang pinakamataas na bilang na naitala simula noong ika-17 ng Abril ng taong ito, kung saan nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 11,101 na kaso. Kasalukuyang nasa higit 1.6 milyon na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Umabot sa 76,063 ang naitalang aktibong kaso. Ito rin ang pinakamataas na bilang na naitala ng DOH mula noong ika-25 ng Abril na umabot sa 77,075 ang aktibong kaso.

Ayon sa DOH, nakitaan din ng pagtaas ang positivity rate sa antas na 19.1% mula sa kabuuang bilang na 56,636 na ginawang testing na naitala noong ika-7 ng Agosto. Ito ay mas mataas kompara sa naitala noong ika-5 ng Agosto na 17.3% at noong ika-6 ng Agosto na nasa 18.4%. Hindi raw bababa sa 450 na kaso ng Delta variant ang naitala na ng DOH sa kasalukuyan.

Ayon kay Health Under­secretary Maria Rosario Vergeire, hindi maiiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa kabila ng pagpapatupad ng Enhanced Community ­Quarantine (ECQ). Binibigyan lamang nito ng karagdagang panahon ang pamahalaan na mas mapaigting pa ang paghahandang ginagawa laban sa mas agresibong Delta variant.

Dagdag pa ni Vergeire, habang hindi pa tuluyang kumakalat sa bansa ang virus, mahalagang sabayan ito ng preparasyon ng mga ospital at kailangang mas maraming indibidwal ang mabakunahan.

Ayon sa datos ng John ­Hopkins University, halos 10% pa lamang ng populasyon ang nababakunahan sa bansa. Kailangang magpatuloy ang pamamahagi ng bakuna sa kabila ng pagpapatupad ng ECQ at MECQ. Ayon kay ­Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, hindi bababa sa P210 bilyon ang maaaring mawala sa ekonomiya dahil sa dalawang linggong lockdown. Kailangan masigurong sulit ang sakripisyong ito.

Bagaman ang pamahalaan ang nagpapatupad ng lockdown upang makontrol ang virus, hindi ito nangangahulugan na sa kanila lamang nakasalalay ang pagiging epektibo nito. Kinakailangan din ng pakikipagkaisa mula sa mamamayan. Marami ang hindi masaya sa muling pagpapatupad ng lockdown, ngunit ito ay kinakailangan upang makontrol ang pagkalat ng mas nakahahawa na Delta variant. Kailangang gawin ng bawat isa ang kanilang mga responsibilidad at tungkulin.

Ito lamang ang tanging ­paraan upang masigurong epektibo ang lockdown dahil kung hindi natin makakamit ang layunin nito, tiyak na lalong mahihirapan ang bansang bumangon mula sa pandemyang COVID-19 dahil baka kailanganin muling palawigin ang pagpapatupad ng mga lockdown.

100

Related posts

Leave a Comment