PAGKAKAISA, BINIGYANG- DIIN MULI NI PBBM

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NANGANGAMPANYA pa lamang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at ang kanyang partido ay pagkakaisa na sa bansa ang kanilang isinusulong at isinisigaw. Ito aniya ang isa sa mga bagay na dapat mayroon ang bansa upang umunlad. Ngayong nakaupo na si BBM bilang ikalabing pitong pangulo ng bansa, hinihimok pa rin niya ang mga Pilipino na magkaisa.

Sa ginanap na President’s Night ng Manila Overseas Press Club (MOPC) kamakailan, muling binigyang-diin ni PBBM sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagbangon at muling pagpapalago ng ekonomiya. Aniya, ito ay nagsisilbing gabay ng administrasyon sa mga plano at istratehiya nito.

Ako’y lubos na sumasang-ayon sa kanyang sinabi ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa sa pagpapaigting ng umiiral na mga samahan at sa pagbuo ng mga bago, lalo yaong magiging malaking tulong sa paglago ng ating ekonomiya.

Binigyang-diin din ni PBBM na para sa kanyang administrasyon, ang konsepto ng pagkakaisa ay hindi lamang isang idealismo, kundi isang mithiin. Inaasam niyang makita na magkakasundo ang mga Pilipino at nagtutulungan. Sabay-sabay na aangat at uunlad, at walang sinomang maiiwan.

Ipinahayag ni PBBM na layunin ng kanyang administrasyon ang masiguro na ang bawat Pilipino sa bawat isla ng ating kapuluan ay hindi lamang basta nakararaos sa kada araw, kundi may pagkakataon ding umangat sa buhay.

Isa rin sa prayoridad aniya ng kanyang administrasyon ang kasapatan ng pagkain sa bansa. Upang makamit ito, ang Department of Agriculture ay namamahagi ng mga punla at mga fertilizer na may mataas na kalidad sa ating mga magsasaka. Binibigyan din sila ng mga makinaryang maaaring makatulong sa pagiging mas produktibo ng mga ito.

Batid ang kahalagahan ng imprastraktura sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa, ipagpapatuloy din aniya ang mga plano ukol sa mga proyektong imprastraktura ng bansa na inumpisahan ng Duterte ­administration. Sa katunayan, ang dating Build, Build, Build, ay kinikilala na ngayon bilang “Build Better, More” o BBM.

Kabilang din sa binanggit na prayoridad ng administrasyon ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor. Napatunayan na sa maraming pagkakataon, ang magandang dulot ng pagtutulungan ng dalawang sektor na ito. Isang magandang halimbawa rito ang pagsa­nib-pwersa ng pamahalaan at ng Meralco sa pagtugon sa ­pandemyang COVID-19. Pinailawan ng Meralco ang mga gusaling ginamit bilang COVID-19 facility na sakop ng prangkisa nito. Tumulong din ang kompanya sa pagtutulak at paglulunsad ng programa sa pagbabakuna ng bansa.

Ang pag-unlad ng bansa ay hindi makakamit kung isang tao o isang samahan lamang ang magsusumikap para rito. Ito ay isang bagay na kailangang pagtulungan ng lahat, kabilang ang mamamayang Pilipino. Sa puntong ito, hindi na dapat mahalaga kung sino ang ibinoto noong panahon ng eleksyon. Kabilang man o hindi sa P31 milyong botong nag-upo kay PBBM sa posisyon, ang dapat na gawing prayoridad sa kasalukuyan ay ang muling pagbangon at pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.

314

Related posts

Leave a Comment