PAGKAKASANGKOT NG ILANG OPISYAL NG PNP SA ILLEGAL DRUGS, ‘DI NA BAGO!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

HINDI na bago ang ­rebelasyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ukol sa pagkakasangkot ng ilang miyembro ng Philippine National Police sa ilegal na droga. Kung inyong matatandaan, ilang mga opisyal ng PNP ang pinangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang buwan pa lang ng kanyang termino na diumano ay sangkot sa bentahan ng illegal drugs sa bansa.

Ang panawagan ng kalihim ng DILG ay nag-ugat sa nadiskubre nilang pagkakasangkot ng ilang tauhan at opisyal ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bentahan ng ilegal na droga sa bansa.

Ginamit na halimbawa ni Sec. Abalos si SSg. Rodolfo Mayo, Jr., na miyembro pa man din ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG), dati nang nasangkot itong si Mayo sa usapin ng ilegal ng droga noong panahon ni Pangulong Duterte at isa ito sa ipinatapon sa Mindanao ni PNP chief na ngayon ay Senador Ro­nald “Bato” Dela Rosa, pero ayon sa kasalukuyang PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., ­nakabalik daw sa pwesto itong si Mayo dahil sa isang mataas na opisyal ng PNP na hindi pa nito pinangalanan.

Nahuli si Staff Sergeant Rodolfo Mayo, Jr., sa itinuturing na pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng bansa noong Oktubre kung saan nakumpiska ang halos isang toneladang (990 kgs) shabu na may street value na P6.7 bilyon. Si Mayo raw ang umupa ng dalawang kuwarto na siyang pinagtaguan ng shabu.

Ang tanong, bakit ba hindi pa nasipa sa pwesto itong si Mayo dati at ipinatapon lang? Sino ang nagbalik dito sa pwesto?

Maaaring ikinanta na nito kay DILG Sec. Abalos kung sino-sino ang mga sangkot sa ilegal na droga sa hanay ng mga opisyales ng pulisya kaya nanawagan na ang kalihim ng courtesy resignation sa mga opisyales ng PNP na nakaupo ngayon.

Mukhang “back with a vengeance” ang mga nagbebenta ng droga at mga protektor nito pagkababa sa pwesto ni Pangulong Duterte, dahil ilang taon nga naman silang kinakailangang mag-lie low noong nakaupo pa ito dahil seryoso ang kampanya nito laban sa ilegal na droga kung saan marami ang namatay at nahuli.

290

Related posts

Leave a Comment