PAGKUKUBLI NG OCTA

TALIWAS sa giit ng Octa Research Group, nananatiling peligroso ang ­estado ng Pilipinas sa banta ng ­COVID-19, ayon mismo sa Centers for Disease Control and Prevention na katuwang ng World Health Organization sa pagtutok sa sitwasyon sa iba’t ibang panig ng ­mundo.

Ayon sa Octa, nasa “moderate risk” na ang Metro Manila at iba pang panig ng bansa at posible pang makamit ang estadong “low-risk” sa susunod na mga linggo, dahil anila sa pagbaba ng arawang tala ng mga positibo sa nakamamatay na karamdaman.

Pero iba ang pananaw ng Centers for Disease Control and Prevention. Anila, pasok ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang klasipikadong “very high risk” dahil sa mataas na antas ng hawaan.

Ayon pa sa Centers for Disease Control and Prevention, sa talaan ng humigit kumulang 200 bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, nasa ika-11 pwesto ang Pilipinas sa mga bansang pasok sa kategorya ng “very high risk.”

Totoo namang bumababa na ang bilang ng mga nagpopositibo kung pagbabatayan ang daily COVID-tally mula sa Department of Health (DOH).

Ang siste, saklaw lang ng daily COVID tally ng departamento ang mga iniuulat ng mga itinalagang laboratoryo kung saan sinusuri ang resulta ng mga COVID test ­gamit ang RT-PCR kits.

Pag-amin ni San Juan City Mayor Francis Zamora, higit na marami sa naitatala ng DOH ang aktuwal na bilang ng mga kontaminado. Partikular na tinukoy ng alkalde ang mga aniya’y nagpositibo gamit ang antigen home testing kits na piniling mag-self-quarantine na lamang sa kani-kanilang tahanan.

Kung tutuusin, may punto si Zamora, bagay na dapat sana’y batid ng departamentong suki sa kabi-kabilang bulilyaso sa pondo.

At ang OCTA? Hindi sila dalubhasa sa siyensya at medisina. Sila’y pulutong ng mga henyo sa matematika.

309

Related posts

Leave a Comment