NAKADUDUROG ng puso ang problema na inilapit ng isang ina ng OFW sa programang “Rise and Shine Pilipinas” ng PTV4 kahapon kung saan ako ang guest.
Sa nabangit na programa, ipinakita ang sitwasyon ni John Carlo Crisostomo na pitong taon nang nagtatrabaho sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), bilang isang network technician.
Bago pa man nag-abroad si John Carlo ay talagang napakaganda ng kanyang mga pangarap at plano para sa kanyang nanay Cely na isa nga biyuda.
Sa kanyang pitong taong pagtatrabaho ay malimit itong tumatawag sa kanyang ina at laging ibinibida ang kanyang mga plano sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas.
Ngunit noong Hulyo, 2020 ay nadiagnose na may colon cancer si John Carlo.
Agad naman siyang nagpagamot at sumailalim sa chemo theraphy sa isang ospital sa Riyadh.
Ngunit, nitong Enero ay sinabihan ang pamilya ni John Carlo na hindi bumubuti ang kalagayan ng OFW at hindi na tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot na ibinibigay sa kanya ng mga doktor.
Tila gumuho ang mga masasayang pangarap ni John Carlo para sa kanyang ina.
Kung dati-rati ay tumatawag ito para kulitin ang kanyang nanay at kuwentuhan ng kanyang mga pangarap, ngunit sa pagbagsak ng kanyang kalusugan ay lagi na lamang itong naglalambing at nagsasabi na iuwi na siya at alagaan.
Nitong Martes ay labis-labis ang pakiusap ni Nanay Cely sa akin upang tulungan ang kanyang anak na makauwi na sa Pilipinas para makapiling nila kahit sa huling sandali.
Agad akong nakipag-ugnayan kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer Racquel Kunting na mabilis namang nagtungo sa ospital upang alamin ang kalagayan ni John Carlo.
Ngunit, hindi na ito naabutan ni Kunting sa hospital ward dahil dinala ito sa ICU bunga ng tuluyang pagbagsak ng kanyang blood pressure at heart rate, kung kaya siya ay na-intubate.
Ngunit, bago pa man nagsimula ang programa, nakarating sa akin ang balita na tuluyan na nga itong pumanaw.
Pinayuhan ng AKOOFW si Nanay Cely na makipag-ugnayan sa Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang masimulan ang pro-seso sa pagpapauwi sa labi ni John Carlo.
Nakalulungkot talaga ang buhay ng OFW na ang tanging pangarap lamang ay maipagkaloob sa mga mahal sa buhay ang magagandang pangarap, ngunit maraming beses na ring nangyari na imbes na kasiyahan ay hapis at kalungkutan ang natangap na pasalubong ng kanilang mga pamilya.
233
