PAGLAPASTANGAN SA PANANAMPALATAYANG KATOLIKO NG ISANG DRAG QUEEN, KINONDENA

MARIING kinondena nina Senate President Juan Miguel Migz Zubiri at Senador JV Ejercito ang tinawag nitong paglapastangan at nakaiinsultong viral video ng mga tao sa isang bar na ginawang katatawanan ang pananampalataya ng mga Kristiyano.

Bukod dito, hindi rin anya nirespeto ang Lord’s Prayer.

Sinabi ni Zubiri na ito ay pinakamatinding pag-abuso at maling paggamit ng freedom of expression na maituturing na criminal activity.

Idinagdag ng senador na matinding pambabastos ito sa mga Kristiyano at lubos ang paglapastangan sa pananampalataya ng milyon milyong Pilipino.

Sa insidenteng ito, maaari anyang magsampa ng reklamo sa ilalim ng Article 201 ng Revised Penal Code, na naglalayong parusahan ang mga taong makaka-offend sa kahit anong lahi o relihiyon sa pagpapalabas ng malalaswa o mahalay na play, eksena, o palabas sa entablado, fairs o iba pang lugar.

Hinamon din ni Zubiri ang mga awtoridad na masusi itong pag-aralan.

Ang nangyari anyang ito ay dapat na kondenahin hindi lamang ng mga Kristiyano kundi ng lahat ng mamamayan anuman ang kanilang relihiyon dahil hindi dapat nilalapastangan ang pananampalataya para lamang sa pansariling interes o para pagtawanan.

Ipinaalala pa nito na sa bilyon bilyong Kristiyano, ang “The Lord’s Prayer” ay isa sa pinakasagrado dasal sa Holy Eucharist, at ang maling paggamit nito ay maituturing na napaka-insensitibo, lalo na sa loob ng isang comedy bar.

Iginiit naman ni Ejercito na ang ginawa ng drag queen ay malinaw na pambabastos sa pananampalataya niya at ng lahat ng mga Kristiyano.

Pinagaaralan na ng mambabatas ang paimbestigahan ang viral video.

(DANG SAMSON-GARCIA)

375

Related posts

Leave a Comment